EDITORYAL ‘Ghost students’ ba’t hindi pa kinakalkal?

BATBAT ng problema ang Department of Education (Deped). Nangungunang problema ang mababang suweldo ng mga guro, kakulangan ng mga silid-aralan at hindi maayos na pamamahala. Ang mga problemang ito ang pinag-uugatan kaya mababa ang kalidad ng edukasyon. Patuloy din ang pagbaba ng mga kabataang hindi na nagsisipag-aral. Dahil dito maraming bata ang hindi marunong sumulat at bumasa. Sa kasalukuyan, nangungulelat ang mga estudyanteng Pilipino sa Math, Science at Reading Comprehension.
Isa rin ang korapsiyon sa pinakamabigat na problema sa DepEd sa kasalukuyan. Lubha itong nakaaapekto sa edukasyon ng mga kabataan. Noong nakaraang linggo, sumingaw ang anomalya sa senior high school (SHS) voucher program ng Department of Education (DepEd) kung saan P52 milyon ang napunta sa “ghost students” na nakaenrol sa 12 private schools. Lumabas sa pagsisiyasat na walang mga estudyante na nakaenrol.
Ang anomalya ay inihayag mismo ni DepEd Secretary Sonny Angara. Napag-alaman ni Angara na 1,474,702 senior high school ang nakaenrol para sa school year 2023-2024, ang panahon na nadiskubre ang “ghost students”. Nagsimula ang SHS voucher noong SY 2016-2017.
Ayon kay Angara, siniseryoso niya ang natuklasang anomalya sa SHS voucher program. Hindi umano niya hahayaan na walang mangyari at mananagot ang mga sangkot sa anomalya. Sinisiyasat na umano ang mga personnel at school officials na nag-facilitate sa SHS voucher program at sa lalong madaling panahon ay lalabas ang katotohanan.
Hanggang ngayon naman, nananatiling tahimik ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list sa isyu. Wala pa silang aksiyon sa anomalya ng “ghost students”. Nararapat na may mahubaran sa anomalyang ito. Kawawa naman ang mga totoong estudyante na benepisyaryo ng programa. Maaring mahinto ang (SHS) voucher program dahil sa nangyari. Imbestigahan ito ASAP.
- Latest

















