Mga nilamon ng lupa! (Part 2)
MARAMING tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang bigla na lamang naglaho na para bang nilamon sila ng lupa. May mga iniwan silang gamit, bahay, pamilya at trabaho, ngunit walang nakaaalam kung saan sila nagpunta o kung ano ang tunay na nangyari sa kanila. Ang ilan sa mga kasong ito ay nangyari ilang dekada na ang nakalilipas, ngunit hanggang ngayon, wala pa ring tiyak na kasagutan.
Narito ang 7 misteryosong pagkawala na hindi pa rin lubusang naipaliliwanag:
4. Jimmy Hoffa – Ang union leader na naglaho matapos makipagkita sa ilang tao.
Noong Hulyo 30, 1975, biglang nawala ang kilalang lider-unyon na si Jimmy Hoffa sa Michigan. May nakatakda siyang pakikipagkita sa ilang tao ngunit hindi na siya muling nakita. Sa kabila nang maraming imbestigasyon at haka-haka tungkol sa kanyang pagkawala, hindi pa natatagpuan ang kanyang mga labi.
5. Mary Celeste – Ang barkong natagpuan ngunit wala ni isang tao.
Noong Disyembre 1872, natagpuan ang barkong Mary Celeste na palutang-lutang sa Atlantic Ocean. Maayos pa ang malaking bahagi ng barko ngunit wala na roon ang kapitan, mga tripulante at kanilang mga pasahero. Hindi rin natagpuan ang mga taong sakay nito.
6. Flight 19 – Limang eroplanong sabay-sabay na naglaho.
Noong Disyembre 1945, limang eroplanong pandigma ng US Navy ang nawala habang nagsasagawa ng training flight sa karagatan malapit sa Florida. Nawala rin ang eroplanong ipinadala upang hanapin ang mga ito. Labing-apat na piloto at tripulante sa unang limang eroplano at 13 naman sa rescue plane ang hindi na natagpuan.
7. Ang Nawawalang Kolonya ng Roanoke – Isang buong pamayanan ang naglaho.
Noong 1587, mahigit 100 kolonista ang nanirahan sa Roanoke Island sa Amerika. Nang bumalik ang pinuno nilang si John White makalipas ang tatlong taon, wala na ang buong pamayanan. Ang tanging kapansin-pansing naiwan ay ang salitang CROATOAN na nakaukit sa isang kahoy. Hindi pa rin tiyak kung saan nagpunta ang mga kolonista. (Itutuloy)
- Latest















