^

Punto Mo

Unahan ang sakit para makatipid

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Maraming sakit ang maaaring maagapan bago pa man lumitaw ang mga sintomas o lumubha ang kondisyon ng isang tao. Isang paraan ang maagang pagpapatingin sa doktor kahit walang nararamdamang masama sa katawan. Ito ang isa sa mga prinsipyong itinataguyod ng tinatawag na preventive medicine o pag-iwas sa sakit sa pamamagitan ng maagang pagtuklas at pangangalaga sa kalusugan.

May mga karamdaman tulad ng altapresyon, diabetes at ilang uri ng kanser na maaaring matagal nang namumuo nang hindi agad napapansin. Sa pamamagitan ng regular na checkup at angkop na pagsusuri, maaari itong matuklasan at magamot bago pa magdulot ng malubhang komplikasyon.

Hindi lamang kalusugan ang maaaring mapangalagaan sa ganitong paraan kundi pati bulsa. Mas makatitipid kung maagang matutuklasan at magagamot ang sakit kaysa hintaying lumubha ito at mauwi sa pagpapaospital.

Kapag na-confine sa ospital, sunud-sunod ang gastusin. Nariyan ang bayad sa kuwarto, doktor, gamot, laboratory test at iba pang pagsusuri. Kung kailangan ng operasyon o matagal na gamutan, maaaring umabot sa daan-daang libo o milyon ang bayarin. Para sa walang sapat na ipon o health insurance, malaking dagok ito sa pamilya.

Samantala, kung maagang magpapatingin, maaaring sapat na ang konsultasyon, ilang kinakailangang pagsusuri at gamot upang maagapan ang problema. Hindi man libre ang mga ito, mas maliit ang maaaring gastusin kung maiiwasan ang paglala ng karamdaman at pagkakaospital.

Hindi naman kailangang magpa-checkup araw-araw o sumailalim sa lahat ng uri ng laboratory test. Nakasalalay sa edad, kalagayan ng katawan at payo ng doktor kung anong pagsusuri ang nararapat gawin.

Halimbawa, maaaring magpasuri ng dugo para malaman ang blood sugar, cholesterol, kidney function at iba pang mahahalagang palatandaan ng kalusugan. Maaari ding sumailalim sa X-ray, ultrasound, ECG, endoscopy o iba pang diagnostic procedure depende sa pangangailangan. Ang mga pagsusuring ito ay maaaring gawin sa mga laboratory clinic o diagnostic center nang hindi kinakailangang ma-confine sa ospital. Malaking kaibahan ito sa gastusin kapag ang pasyente ay naospital na at kailangang sumailalim sa sunud-sunod na pagsusuri, gamutan at iba pang pamamaraan.

Sa halip na hintaying sumakit ang katawan bago kumilos, mas mabuting ugaliin ang pagpapatingin habang maaga pa. Hindi lahat ng sakit ay maiiwasan, pero maraming komplikasyon ang maaaring mapigilan.

Mas mabuting gumastos sa pagpapatingin ngayon kaysa gumastos sa pagpapaospital sa hinaharap.

•••

Email- [email protected]

SICK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with