Butter: May sustansya pero hinay-hinay lang
Bilang doktor, ang paniniwala ko dati ay masama ang pagkain ng butter at margarine. Nakakadulot ito ng mataas na cholesterol at sakit sa puso.
Ngunit may mga bagong pagsusuri ang nagpapakita na posibleng may benepisyo rin ang butter sa ating katawan. Pero nililinaw ko na dapat ay konti lang ang kakaining butter.
Benepisyo ng Butter:
1.Para sa buto at ngipin - Ang butter ay may taglay na vitamins A, D, E at K2. May tulong itong mga vitamins sa pag-absorb ng calcium at phosphorus na kailangan ng ating buto at ngipin.
2.Para makaiwas sa goiter - May taglay na iodine ang butter na nakatutulong sa ating thyroid gland para hindi magkaroon ng goiter.
3.Para ang bata ay lumaki at lumakas – Kailangan ng mga bata ang nabanggit na vitamins A, D, E, K2 at iodine. May benepisyo itong mga vitamins at mineral para sa mata, utak at katawan (endocrine system).
Limitahan ang pagkain:
Paalala lang po sa may sakit sa puso at sa mataas ang cholesterol. Ayon sa American Heart Association, dapat limitahan ang pagkain ng taba (saturated fats) sa 5-6% lamang ng ating kinakain. Ang ibig sabihin ay puwede ang isang kutsaritang butter sa isang araw.
Heto pa ang dagdag tips:
1.Piliin ang butter o margarine na “no trans fat” at “low salt” para mas masustansya.
2.Bawasan ang mga pritong pagkain. Mag-steam, mag-ihaw o mag-bake na lang.
3.Bawasan ang pagkain sa fast foods. Kumain na lang ng lutong bahay. Damihan ang pagkain ng prutas at gulay.
- Latest


















