Pagkakaiba ng mahirap na mamamayan at ng politico
NAPAANGAT ang mga kilay nitong aking mga nakausap hinggil sa takbo ng hustisya na nangyayari ngayon sa ating bansa. Kasi nga, kung pangkaraniwan o naghihikahos ka lang na mamamayan at nakapagnakaw ka ng bunga ng mangga ng iyong kapitbahay, at kung ikaw ay nag- shoplift ng gatas sa isang convenience store, agad na himas rehas ka na habang nagmamakaawa ang inyong mga kaanak na mapalaya. Hehehe!
Subalit kung ang isang politiko ay naakusahang nagnakaw o kumulimbat ng bilyun-bilyon sa kaban ng bayan abay, sa ospital agad ang mga ito naka-confine bago pa man lumabas ang warrant ng mga ito. Bato-bato sa langit ang tamaan ay huwag magagalit. Nais ko lamang bigyan daan itong hinanakit ng ilan nating kababayan patungkol sa nagiging kalakaran na ngayon matapos na magtalamsikan ang laway nitong si Ombudsman Secretary Jesus Crispin Remulla habang gumigiling ang camera ng media.
Sa totoo lang marami ang humanga sa naging patutsada ni Sec. Remulla sa mga politiko na isinasangkot sa bilyun-bilyong pondo na laan sana para sa flood control project. Kung sa mga nagdaang administrasyon, nagiging kalakaran na walang nangyayari sa mga akusasyon ng mga nagmamalasakit sa pondo ng bayan dahil mismo sa tanggapan pa ng Ombudsman ay mahiwagang nababalewala o hindi napag-uukulan ng malaliman na imbestigasyon, subalit ngayon na mismong si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ang nagsusumigaw na “Mahiya naman Kayo!!!” sa kanyang talumpati sa State of the Nation Address, 2 taon na ang nakakalipas abay, tila dininig ng langit itong panawagan na dapat nang mapanagot itong mga ‘Buwaya’ na sumagpang ng bilyones na datung ng mga Tax Payers sa katauhan ni Ombudsman Boying Remulla.
Ang masakit, sa halip na sa kulungan ididiretso ang mga akusado abay, kung ilang araw pa muna ito nagpapalamig sa pribadong ospital habang nakikihulod at nagkukumahog na makalusot sa butas ng karayom bago maisakatuparan na mapasok ito sa kulungan. Ang masakit nito, daan-daang libo ang mga suweldo nitong mga kontrobersyal na politiko ay nakakalabas pa ito ng bansa.
Sa pahayag nitong si Senate President Win Gatchalian, okey lang na di magpaalam itong mga politiko na lumabas ng bansa basta’t personal nilang lakad. Hehehe! Kaya’t siguradong gagastos na naman ng limapak-limpak na datung ang administrasyon ni PBBM bago mapabalik ng mga ito upang humarap sa mga nakakasukang kontrobersiya. Get nyo mga suki?
Kaya’t may panawagan itong aking mga kausap na sana’y bawasan muna ang sobrang satsat o pa-pogi point dahil halos lahat ng mga kontrobersiyal na mga politiko ay nakakalabas ng bansa at kung mamalasin ay sa ospital muna magpapalamig. Hehehe! Kasi nga may patutsada pa itong si Sec. Remulla na may mga kakasuhan pa sa hinaharap. Abangan!
- Latest


















