VP Sara kay Pangulong Marcos: Magbitiw ka na sa puwesto!

MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon si Vice President Sara Duterte kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na bumaba na sa puwesto.
Sa kanyang pagdalo sa isang rally sa Quezon City Hall kasunod ng na-reschedule niyang arraignment sa kinakaharap na kasong grave threats, sinabi ni VP Sara na dapat nang magbitiw sa puwesto ang Pangulo.
“Patuloy tayong manawagan ng paglayas ng problema ng ating bayan na ang pangalan ay Bongbong Marcos. Resign! Umalis ka diyan!” ayon kay VP Sara.
“Sinungaling ka, abusado ka, wala siyang utang na loob sa taumbayan. Wala siyang utang na loob sa lahat ng pumunta ng presinto para iluklok siya sa pwesto. Wala siyang hiya. Ganoon talaga kapag adik. Hindi na dumadaan sa realidad ang pag-iisip. Patuloy tayong makipaglaban sa mga abusado, sa mga adik, at sa mga korap,” aniya pa.
Nauna rito, nagtungo si VP Sara sa Quezon City Hall of Justice upang dumalo sa arraignment o pagbasa ng sakdal sa kasong grave threat na kanyang kinakaharap ngunit na-postpone ito dahil na rin sa mosyon na inihain ng kanyang kampo.
Sinampahan ng kaso si VP Sara matapos niyang ianunsiyo sa isang online press conference na may kinausap na siyang tao na papatay kina Pang. Marcos, maybahay nitong si First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.
“No joke. No joke,” aniya pa.
- Latest


















