^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Kaligtasan ng mga bata ang dapat mauna

Pilipino Star Ngayon

SA Pilipinas, tila walang angkop na buwan para sa klase. Kapag tag-init, matinding init sa mga classroom ang problema. Kapag tag-ulan, bagyo, habagat at baha naman ang dahilan ng suspensiyon ng klase.

Kaya hindi na sapat na paulit-ulit na pagdebatehan kung kailan dapat magsimula at matapos ang school year. Ang kailangang baguhin ay hindi lamang ang petsa sa kalendaryo, kundi ang kakayahan ng ating mga paaralan na umangkop sa nagbabagong klima.

Malaki ang nawawalang oras sa pag-aaral. Noong school year 2023–2024, 53 sa 180 school days ang nawala dahil sa weather disturbances at iba pang interruptions. Sa hiwalay na pag-aaral, tinatayang 32 teaching days ang nawala dahil sa extreme weather.

Nitong nakaraang Agosto, mahigit 8.4 mil­yong estudyante sa 12,477 public schools ang naapektuhan ng suspensyon ng face-to-face classes dahil sa habagat.

May tugon na rito ang Department of Education (DepEd). Ngayong school year, lumipat ito sa three-term calendar na layong magkaroon ng mas mahahabang tuluy-tuloy na panahon para sa pagtuturo at mabawasan ang epekto ng mga disruption.

Positibong hakbang ito, ngunit magiging­ epek­tibo lamang ang bagong kalendaryo kung sasabayan ito ng pagbabago sa loob mismo ng silid-aralan, sa kung saan nararamdaman ng mga bata ang mainit na panahon o malakas na ulan.

Dapat ding mas maging localized ang sus­pensyon at pagbabalik ng klase. Iminumungkahi na ng DepEd na kung ligtas, tuyo at accessible ang isang paaralan, maaari itong ma­kabalik agad sa face-to-face classes sa halip na awtomatikong madamay sa malawakang suspensyon.

Kasabay nito, kailangan ng mas maayos na flexible learning, nakalaang recovery days at mga classroom na kayang harapin ang ma­tin­ding init at panahon. Hindi rin dapat basta bilisan ang paghabol sa mga leksyon pagkatapos ng suspensyon para lamang makasabay sa nakatakda sa calendar, dahil maaaring pag-unawa naman ng mga bata ang maisakripisyo.

Kaligtasan pa rin ang dapat mauna. Walang saysay ang kumpletong school days kung inilalagay naman sa panganib ang mga bata.

Hindi natin makokontrol kung kailan dara­ting­ ang susunod na bagyo, baha o heat wave. Pero makokontrol natin kung gaano kalaking­ ba­­hagi ng edukasyon ng isang bata ang ma­wa­wala dahil dito.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with