Sino ang mga PWD?
Kapansin-pansin na tila naging karaniwang simbolo ng mga taong may kapansanan ang larawan o simpleng drawing ng isang taong nakaupo sa silyang de gulong. Makikita ito sa mga pampasaherong bus, tren, dyipni, sa mga restawran, shopping mall, hotel, opisina ng pamahalaan, pribadong tanggapan, ospital, botika, paaralan, bangko, gusali, paliparan, parking lot at iba pang pampublikong lugar.
May mga lugar na nakasulat mismo ang “Person with Disabilities” o PWD. Pero madalas, hindi na kailangan ang mga salita. Sapat na ang pamilyar na larawan ng taong naka-wheelchair para maunawaan nating may kinalaman ito sa accessibility o sa mga taong may kapansanan. Ganito rin ang karaniwang pagkilala sa simbolong ito sa maraming bansa.
Pero hindi pala talaga ito ginawa bilang simbolo ng lahat ng PWD. Noong huling bahagi ng dekada 1960, nagkaroon ng pandaigdigang paligsahan para sa isang simple at madaling makilalang simbolo ng accessibility. Noong 1968, nanalo ang disenyo ni Susanne Koefoed, isang Danish graphic-design student. Nilagyan ito kalaunan ng ulo upang maging malinaw na tao ang gumagamit ng wheelchair, at pormal na pinagtibay noong 1969.
Kaya kapag nakita natin ang larawan ng taong naka-wheelchair, ang pangunahing mensahe nito ay accessibility. Pero sino nga ba ang mga PWD?
Hindi lamang sila ang mga hindi makalakad nang maayos o hindi makalakad nang walang tulong. Hindi lamang sila ang gumagamit ng wheelchair, saklay, tungkod o walker. May mga taong isa lang ang hita o braso o parehong walang kamay at paa, may problema sa paggamit ng kanilang mga kamay, may paralisis o ibang pisikal na kapansanan. May mga bulag, bingi, may mga kapansanan sa pagsasalita o komunikasyon. Mayroon ding intellectual, mental, psychosocial at iba pang uri ng kapansanan na maaaring hindi agad makita sa isang tao.
Hindi rin lahat ng taong hindi makalakad ay gumagamit ng silyang de gulong. Ang iba ay umaasa sa saklay, tungkod o walker. May mga nangangailangan ng tulong ng ibang tao upang makalipat mula sa isang lugar patungo sa iba.
Wala namang masama sa paggamit ng wheelchair symbol. Sa katunayan, napakalaking tulong nito dahil simple, madaling makita at madaling maintindihan. Iyan ang dahilan kung bakit naging isa ito sa pinakakilala at pinakagamit na simbolo ng accessibility sa buong mundo.
Ang problema lamang, kapag nasanay tayong makita ang isang taong naka-wheelchair bilang mukha ng PWD, maaaring makalimutan natin na mas malawak ang ibig sabihin ng kapansanan. May mga PWD na hindi natin nakikita sa simbolo. Gayunman, isa itong simpleng larawan na naging pandaigdigang paalala na may mga taong kailangang bigyan ng daan, espasyo, kagamitan at pagkakataong makalahok nang pantay sa lipunan.
At sa tunay na buhay, mas marami ang mukha ng PWD kaysa sa isang simpleng drawing ng taong nakaupo sa silyang de gulong.
••••
Email- [email protected]
- Latest



















