Lalaki, nilakad ang 10 bansa na walang suot na sapatos o kahit anong proteksiyon sa paa!
MULING nabawi ng isang Irishman ang Guinness World Record para sa “longest barefoot journey” matapos niyang lakarin ang mahigit 6,800 kilometers mula Istanbul, Turkey hanggang sa kanyang bansa na Ireland.
Si Eamonn Keaveney, 34, ay naglakad nang walang sapatos sa loob ng 369 araw bago makarating sa Claremorris, County Mayo noong nakaraang Marso 7.
Umabot sa 6,805.83 kilometers ang kanyang nilakbay, halos doble sa dating record na 3,409.75 kilometers na itinakda ni Pawel Durakiewicz ng Poland noong 2024.
Hindi na rin bago kay Keaveney ang world record. Noong 2016, siya rin ang unang nagtala ng record sa barefoot journey matapos maglakad ng mahigit 2,000 kilometers sa Ireland. Noong 2023 naman, nakuha niya ang record sa pinakamabilis na pagtawid sa Ireland gamit ang unicycle.
Bago simulan ang biyahe, sinanay ni Keaveney ang kanyang mga paa sa pamamagitan ng madalas na paglalakad at pagtakbo nang walang kahit anong footwear.
Gayunman, matinding pagsubok pa rin ang dinaanan ni Keaveney. Dahil sa mahabang paglalakad sa aspalto, napupudpod ang balat niya sa talampakan hanggang sa dumugo ito. Natusok din siya ng mga tinik at maliliit na bubog, habang isang tinik naman ang nagdulot ng impeksiyon na nagpahinto sa kanyang paglalakbay ng isang linggo.
Nahirapan din siya sa matinding init habang tumatawid sa Hungary at sa malamig na panahon nang abutan siya ng winter season.
Nagsimula ang ruta ni Keaveney sa Istanbul bago siya dumaan sa Bulgaria, Romania, Hungary, Austria, Germany, France, England at Wales bago tuluyang makarating sa Ireland.
Sa kabila ng libu-libong kakaibang tingin na natanggap niya dahil sa paglalakad nang walang sapatos, sinabi ni Keaveney na karamihan sa mga taong nakasalamuha niya ay naging mabait at matulungin.
Sa ngayon, nagpapahinga pa siya mula sa mahigit isang taong paglalakbay, ngunit hindi rin niya isinasara ang posibilidad na sumubok muli ng panibagong record sa hinaharap.
- Latest




















