EDITORYAL - Dapat umangkop sa climate change
Walang angkop na buwan para sa klase ng mga bata o estudyante. Kapag tag-init, matinding init sa mga classroom ang problema. Kapag tag-ulan, bagyo, habagat at baha naman ang dahilan ng suspensiyon ng pasok.
Kaya hindi na sapat na paulit-ulit na pagdebatehan kung kailan dapat magsimula at matapos ang pasukan. Ang kailangang baguhin ay hindi lamang ang petsa sa kalendaryo, kundi ang kakayahan ng mga paaralan na umangkop sa climate change.
Malaki ang nawawalang oras sa pag-aaral. Noong school year 2023–2024, 53 sa 180 school days ang nawala dahil sa weather disturbances at iba pang interruptions. Sa hiwalay na pag-aaral, tinatayang 32 teaching days ang nawala dahil sa extreme weather.
Nitong nakaraang Agosto, mahigit 8.4 milyong estudyante sa 12,477 public schools ang naapektuhan ng suspensyon ng face-to-face classes dahil sa habagat.
May tugon na rito ang Department of Education (DepEd). Ngayong school year, lumipat ito sa three-term calendar na layong magkaroon ng mas mahahabang tuloy-tuloy na panahon para sa pagtuturo at mabawasan ang epekto ng mga disruption.
Positibong hakbang ito, ngunit magiging epektibo lamang ang bagong kalendaryo kung sasabayan ito ng pagbabago sa loob mismo ng silid-aralan, sa kung saan nararamdaman ng mga bata ang mainit na panahon o malakas na ulan.
Dapat ding mas maging localized ang suspensyon at pagbabalik ng klase. Iminumungkahi na ng DepEd na kung ligtas, tuyo at accessible ang isang paaralan, maaari itong makabalik agad sa face-to-face classes sa halip na awtomatikong madamay sa malawakang suspensyon.
Kasabay nito, kailangan ng mas maayos na flexible learning, nakalaang recovery days at mga classroom na kayang harapin ang matinding init at panahon. Hindi rin dapat basta bilisan ang paghabol sa mga leksyon pagkatapos ng suspensyon para lamang makasabay sa nakatakda sa calendar, dahil maaaring pag-unawa naman ng mga bata ang maisakripisyo.
Kaligtasan pa rin ang dapat mauna. Walang saysay ang kumpletong school days kung inilalagay naman sa panganib ang mga bata.
Hindi makokontrol kung kailan darating ang susunod na bagyo, baha o heat wave. Pero makokontrol kung gaano kalaking bahagi ng edukasyon ng isang bata ang mawawala dahil dito.
- Latest
















