^

Punto Mo

EDITORYAL — Magtipid sa tubig

Pang-masa
EDITORYAL — Magtipid sa tubig

BUMABABA ang level ng tubig sa mga dam sa Luzon dahil sa matinding init na nararanasan. Kung magpapatuloy pa ang init hanggang sa susunod na buwan, maaaring bumaba pa ang level ng tubig sa mga dam. Kahapon, naitala ang 204.77 meters na level ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan mula sa dating 205.02 meters.

Nabawasan din ang kalapit na Ipo Dam na naging 100.65 meters mula sa 100.72 meters. Ang La Mesa Dam sa Quezon City ay naging 79.59 meters mula sa dating 79.60 meters.

Bumaba rin ang level ng tubig sa Ambuklao Dam sa Benguet; San Roque Dam sa Pangasinan; Pantabangan Dam sa Nueva Ecjia; Magat Dam sa Isabela; at Caliraya sa Laguna.

Bagama’t hindi pa naman kritikal ang pagbaba ng level ng tubig, nararapat nang magkaroon ng kampanya ang pamahalaan sa pagtitipid ng tubig. Ngayon pa lamang ay magdahan-dahan sa paggamit ng tubig. Kung tatagal pa hanggang Mayo ang nararanasang init, lalo pang mababawasan ang tubig sa mga dam. Maaaring magkaroon ng kakapusan kung hindi papatak ang ulan sa Mayo. Paano kung maging mailap ang ulan at magpatuloy ang nararanasang init?

Makiisa ang lahat sa pagtitipid. Mas magiging epektibo ang panawagan sa pagtitipid kung mauuna ang pamahalaan sa pagpapakita ng halimbawa. Simulan ng pamahalaan na ipag-utos sa lahat ng tanggapan na huwag hayaang bukas at tulo nang tulo ang mga gripo. Maraming government offices ang nag-aaksaya sa tubig. Hindi nila inaayos ang mga sirang tubo ng gripo. Patuloy ang tapon.

Marami rin namang leak ang mga tubo ng gripo sa kalye at tila napapabayaan ng Maynilad at Manila Water. May mga lubak sa kalye na walang tigil ang daloy ng tubig at natatapon lamang.

Atasan ng DENR ang operator ng golf courses na gumamit ng recycled water at hindi tubig na galing sa gripo. Mayroong 10 golf courses na nag-o-operate sa Metro Manila. Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), kumukunsumo ang golf courses ng 700 cubic meters hanggang 1,400 cubic meters ng tubig bawat buwan.

Magiging epektibo ang pagtitipid sa paggamit ng tubig kung magpapakita ng halimbawa ang pamahalaan. Tutularan ng mamamayan ang pagtitipid ng tubig at malulusutan ang nakaambang kakapusan. Hindi rin dapat maging ningas-kugon sa pagtitipid ng tubig. Seryosong bagay ito na dapat tuunan ng pansin.

WATER SHORTAGE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with