Los Baños mayor itinumba sa munisipyo
MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas ang mayor ng Los Baños, Laguna matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga suspek habang ito ay naglalakad sa loob ng compound ng munisipyo, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, bago nangyari ang krimen, alas-8:45 ng gabi ay katatapos lang magpamasahe ni Mayor Cesar Perez at naglalakad patungong municipal hall sa Barangay Timugan nang lapitan ng gunman at barilin sa ulo ng dalawang beses.
Nang bumulagta si Perez ay mabilis na tumakas ang suspek.
Naisugod pa si Perez sa HealthServ Medical Center pero idineklara na itong patay sa ganap na alas-9:25 ng gabi.
Nabatid na si Perez, na dati ring vice-governor ng Laguna ay kabilang sa 46 “narco politicians” na pinangalanan ni President Rodrigo Duterte matapos masampahan ng mga kaso sa Department of the Interior and Local Government noong 2019.
Noong December 2017, tinanggalan ng kapangyarihan si Perez para sa lokal na pulisya matapos masangkot sa illegal na droga. - Doris Franche
- Latest