Police official utas, sinitang armado dedo rin
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang police captain matapos na siya ay pagbabarilin ng lalaki ng kanyang sinita nang mapansin na may sukbit na baril sa baywang habang naglalakad sa isang palengke sa Parang, Maguindanao del Norte, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Captain Roland Moralde ng 14th Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.
Napatay naman ang bumaril kay Moralde, na kinilalang si Mohiden Ramalan Untal nang ito ay manlaban sa mga nagrespondeng pulis.
Ayon sa mga saksi, may sadya sa palengke sa Barangay Poblacion ng Parang si Moralde ng kanyang napansin na may baril sa bewang si Untal sa hindi kalayuan kaya niya ito nilapitan at sinitang mag-isa.
Agad na bumunot ng baril si Untal at pinagbabaril si Moralde, na bagaman may tama ay nagawa nitong makaganti ng putok at tinamaan ang una.
Duguang tumakbo palayo si Untal na tinugis ng mga pulis at nang maabutan ay pinasusuko ito, subalit nagpaputok kaya’t binaril siya ng mga kasapi ng Parang Municipal Police Station.
- Latest