Motorsiklo bawal na sa Edsa-Kamuning Service Road —MMDA
MANILA, Philippines — Inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Don Artes na hindi na papayagan ang mga motorsiklo sa EDSA-Kamuning area (southbound) kasunod ng inspeksyon at traffic assessment kahapon, sa gitna ng pagsasara ng flyover.
Sinabi ni Artes na simula ngayong Biyernes, Mayo 3 ang pagbabawal at gagabayan ang mga rider ng alternatibong ruta tulad ng Scout Borromeo, Panay Avenue, Mother Ignacia Avenue, at Scout Albano.
Kasama ni Artes sa ginawang inspeksyon at assessment sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Director (NCR) Loreta Malaluan at iba pang opisyal ng DPWH, at mga kinatawan mula sa pamahalaan ng Quezon City.
Naobserbahan nila kahapon na naging mabagal ang trapiko sa service road ng EDSA-Kamuning flyover.
Magpapakalat din ng mga karagdagang traffic enforcer para mas mapamahalaan at magabayan ang mga dumadaang motorista at iba pang gumagamit ng kalsada. Maglalagay din ng mas maraming directional at traffic signages para gabayan sila sa mga natukoy na alternatibong ruta, ani Artes.
Hiihilingin din ng ahensya sa Department of Transportation (DOTr) para sa mga Edsa carousel bus na gamitin ang service road araw-araw simula alas- 11:00 ng gabi ng Biyernes upang matiyak ang tuluy-tuloy na retrofitting sa flyover.
- Latest