Call center agent, patay sa sunog sa Maynila

MANILA, Philippines – Isang lalaki ang patay sa isang sunog na sumiklab sa Sta. Mesa, Maynila at tumupok sa tinatayang nasa 85 kabahayan kamakalawa.
Na-trapped sa loob ng kanyang tinutuluyang tahanan ang 36-anyos na biktima, tubong Laguna, at sinasabing trabahador ng isang logistics company, sanhi upang bawian ito ng buhay.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-4:20 ng hapon nang magsimula ang sunog sa isang residential area sa Road 13, sa Sta. Mesa. Umabot ito ng ikatlong alarma dakong alas-5:01 ng hapon bago tuluyang naapula dakong alas-10:09 ng gabi.
Ayon sa mga awtoridad, kasalukuyang naka-off duty ang biktima at natutulog sa loob ng kanyang silid na nasa ikaapat na palapag ng bahay, nang sumiklab ang sunog.
Posibleng malaki na umano ang sunog nang magising ang biktima at tinangka pang makalabas ng bahay ngunit tuluyan na itong na-trapped sa loob.
Natagpuan na lamang umano ang bangkay nito sa ground floor ng tahanan.
Bukod sa biktima, wala naman na umanong naitala ang mga awtoridad na nasaktan o nasugatan sa sunog.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa 250 pamilya o 1,200 indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog. Nahirapan din umano ang mga pamatay-sunog sa pag-apula sa apoy dahil sa sikip ng mga eskinita doon.
Patuloy pa namang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.
- Latest






















