“Walang quota arrest”- PNP
MANILA, Philippines — Muling tiniyak ni Philippine National Police Acting chief PLtGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na walang ‘quota’ sa pag-aresto at pagbabatayan ay pawang matagumpay na resulta ng mga operasyon.
Ayon kay Nartatez, sisiguraduhin niyang ang tagumpay ng operasyon ay bunsod naman intelligence network at masusing imbestigasyon ng mga yunit ng pulisya.
“Lahat ng ating anti-criminality efforts, partikular sa crime prevention, ay nakaangkla sa Enhanced Managing Police Operations o EMPO. Ang mga resulta na ito ay malinaw na patunay ng dedikasyon ng ating mga yunit sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad at pagtitiyak ng tiwala ng publiko,” ani Nartatez.
Giit ni Nartatez, sa ilalim ng kanyang pamumuno, mananatiling matatag ang PNP sa pagtugis sa mga lumalabag sa batas, pagpuksa sa operasyon ng iligal na droga, at mahigpit na pagrespeto sa due process at karapatang pantao.
Samantala, sa pinaigting na kampanya kontra iligal na droga, nagsagawa ang PNP ng 924 police operations na nagresulta sa pagkaka-aresto ng 1,055 drug suspects. Narekober sa mga operasyon ang tinatayang 5,555 gramo ng shabu, 665 piraso ng tuyong dahon ng marijuana, at 3,170 marijuana plants. Ang mga nakumpiskang droga ay may tinatayang Standard Drug Price (SDP) na mahigit P38.4 milyon.
- Latest


















