1 sugatan, 40 bahay natupok ng sunog sa Quezon City

MANILA, Philippines — Isa ang nasugatan nang magtamo ng second degree burn sa braso at dibdib ang isang 59-anyos na lalaki sa naganap na sunog sa isang residential area sa De Jesus Compound, Bagong Landas Street, Barangay San Agustin, Quezon City pasado alas-7 ng gabi ng Biyernes, Oktubre 9.
Ayon kay Fire Senior Inspector Erickson Guila ng Quezon City Fire District Station 5, umabot sa ikatlong alarma ang sunog na nabiktima ang nasa 70 pamilya mula sa 40 bahay na natupok ng apoy.
Aniya, mabilis na kumalat ang apoy sa naganap na sunog dahil sa pawang mga gawa sa light materials ang mga bahay rito. Naapula ang apoy alas-11:56 ng gabi,
Sinabi ni Guila na nahirapan din ang mga bumbero sa pagpatay sa apoy dahil sa makitid na daan sa pinangyarihan ng sunog.
Patuloy na Iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ugat ng sunog na unang hinalang sanhi ng jumper, gayundin ang halaga ng pinsala ng naganap na sunog.
- Latest





















