Paglapit ng ina sa anak
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Aling Conchita. Tulungan mo ako Dr. Love na maipaunawa sa aking anak na, sa kabila ng lahat ay anak ko pa rin siya at ako ang kanyang ina. Makailang-ulit na kasi ako sumusulat at tumatawag sa kanya pero hindi niya sinasagot.
Pinapalagay ko na ipinagtanim niya ng sama ng loob ang pakikipaghiwalay ko sa kanyang ama. Bata pa siya nang iwanan ko sa poder ng kanyang ama dahil walang katiyakan ang aking pupuntahan noon dahil wala akong trabaho. Hindi ko na kasi matagalan ang pananakit nito at sobrang pagkaseloso.
Kapwa kami nagkaroon ng pangalawang asawa. Nagkaanak siya ng 2 sa pangalawang asawa, samantalang hindi naman na ako nagkaanak uli. Nag-ampon kami ng pangalawa kong asawa, na siyang pinag-iwanan niya ng aming conjugal property nang pumanaw. Ito ngayon ang hinahabol ko kaya nagkakaproblema sa pinansiyal.
Wala na akong ibang malalapitan kundi ang anak ko na nakakaalwan ngayon dahil nakapag-asawa ng US Navy. Nasa US sila ngayon. Nabalitaan kong pumanaw na rin ang ama ng aking anak. Dr. Love, paano po ang pinakamabuting gawin sa problema ko?
Maraming salamat po at mabuhay kayo.
Aling Conchita
Dear Aling Conchita,
Hindi mo maiaalis na magkimkim ng hinanakit sa iyo ang iyong anak dahil namahay sa kanyang puso ang katotohanang iniwanan mo siya nang makipaghiwalay ka sa kanyang ama.
Ano ba ang naging sitwasyon ninyong mag-ina nang mawalay kayo sa isa’t isa? Gaano mo napanatili ang pagiging bahagi ng kanyang paglaki kahit na may iba ka nang pamilya? Batid mo ba kung paano siya tinrato ng kanyang madrasta? Posible kasi na kaya malayo ang kalooban sa iyo ng iyong anak, ay nakalimot ka na sa lahat. At ngayon na kung kailan may kailangan ka dahil sa problemang pinansiyal ay saka ka nakaalala ng tungkol sa iyong anak.
Huwag kang manghinawa sa pakikipag-ugnayan sa iyong anak at sikapin na maipaliwanag sa kanya kung bakit ka lumayo sa kanilang mag-ama. Pilitin mo rin na huwag niyang makita na ang paglapit mo ay dahil lamang sa may kailangan ka sa kanya.
Lahat ng sugat ay may takdang paghilom. Hangad ng pitak na ito na mapabuti ang relasyon ninyong mag-ina.
- Latest
- Trending














