Nagbago ang OFW na mister
Dear Dr. Love,
Ako po si Laila. OFW ang mister ko at ilang taon na rin siyang nagtatrabaho sa abroad. Noong una, kahit mahirap na malayo kami sa isa’t isa, tiniis ko ang lahat dahil para sa kinabukasan ng aming pamilya.
Pero nitong mga huling buwan, napapansin kong tila nagbago siya. Kung umasta ay parang binata pa rin.
Mahilig nang pumorma, laging nakatutok sa cellphone at kung minsan ay hirap siyang kausapin. May mga pagkakataon din na nahuhuli ko siyang nagsisinungaling tungkol sa mga lakad niya.
May kutob akong may naging karelasyon siya roon sa abroad. Hindi ko man direktang nahuli, may mga bagay akong nakita na lalong nagpatibay sa aking hinala.
Kapag tinatanong ko siya, lagi niyang itinatanggi at ako pa ang nagmumukhang masama da-hil sa pagiging mapaghinala.
Masakit isipin na habang naghihintay ako rito at ginagampanan ang responsibilidad bilang asawa, tila nakalimutan naman niyang may pamilyang naghihintay sa kanya.
Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin. Paano kung totoo ang lahat at hindi lang niya kayang aminin?
Laila
Dear Laila,
Hindi porke nasa abroad ang isang lalaki ay maaari na siyang mamuhay na parang binata at kalimutan ang kanyang panata sa asawa.
Ang pag-aasawa ay hindi natatapos sa distansiya, at ang katapatan ay hindi dapat nakadepende sa kung may naka-kakita o wala.
Huwag mong ha-yaang lamunin ka ng hinala, pero huwag mo ring balewalain ang mga senyales na nakikita mo.
Kausapin mo siya nang masinsinan at sikapin na maging mahinahon.
Pinakamabuti na isipin mong mabuti kung paano mo sisimulan ang inyong pag-uusap para humantong ito sa layon mong malaman ang katotohanan. Galingan mo rin ang pagpili ng tamang tyempo kung saan hindi siya makakapagdahilan.
Tandaan mo, mas masakit ang paulit-ulit na pagsisinungaling kaysa sa isang katotohanang mahirap tanggapin.
Sa mga mister dyan, ang tunay na lalaki ay hindi lamang marunong magpadala ng pera sa pamilya; marunong din siyang magpakatapat at manindigan sa kanyang mga pangako bilang padre de familia.
DR. LOVE
- Latest
















