SC ibinasura petisyon vs voting threshold sa Sara impeachment

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang tatlong magkakahiwalay na petisyon na kumukuwestiyon sa voting threshold na itinakda ng Senate Impeachment Court sa paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa SC, ibinasura ang mga petisyon dahil sa mga procedural grounds, kabilang ang kawalan ng legal standing at pagiging premature ng mga ito.
Ang mga petisyon nina Atty. Victor D. Rodriguez, Atty. Berteni Cataluna Causing, at Atty. Ernesto B. Francisco ay pawang kumukuwestiyon sa interpretasyon ng Senate Impeachment Court sa kinakailangang two-thirds vote para sa hatol sa isang impeachment case.
Sa press briefer ng SC, binanggit na noong Setyembre 23, 2026, nagpasya ang Senate Impeachment Court na ang pariralang “all the Members of the Senate” sa Article XI, Section 3(6) ng Konstitusyon ay tumutukoy lamang sa mga senador na legal at aktuwal na makalalahok sa impeachment proceedings sa oras ng botohan.
Iginiit ni Rodriguez sa kanyang petisyon na inamyendahan umano ng Impeachment Court ang Konstitusyon sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kwalipikasyong hindi nakasaad dito. Dahil dito, hiniling niya sa SC na ideklarang walang bisa ang naturang interpretasyon at ipahayag na maaari lamang itong mabago sa pamamagitan ng constitutional amendment process.
Sinabi naman ni Causing na dapat bilangin pa rin sa kabuuang bilang ng Senado ang lahat ng nanunungkulang senador, kabilang ang mga nagtatago, nakapiit, o hindi makadalo dahil sa karamdaman. Hiniling din niya sa SC na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order (SQAO) upang mapigilan ang pagpapatupad ng ruling at ang pagsasagawa ng pinal na botohan habang nakabinbin ang kanyang petisyon.
Ayon naman kay Francisco, dapat ay 16 sa 24 senador ang maging voting threshold sa impeachment trial.
Gayunman, nilinaw ng SC na ibinasura nito ang lahat ng petisyon dahil sa mga procedural grounds, kabilang ang lack of standing, at prematurity.a
- Latest






















