NTC may bagong panuntunan sa refurbished phones para protektahan consumers
MANILA, Philippines — Nagsagawa ang National Telecommunications Commission (NTC) ng public hearing para sa panukalang Memorandum Circular na magtatakda ng mga patakaran sa pag-angkat, akreditasyon, labeling, at pagbebenta ng refurbished at used mobile phones, tablets, at iba pang katulad na devices.
Sa pagdinig na isinagawa sa NTC Central Office noong Setyembre 23, inilahad ang panukalang payagan ang pag-import at pagbebenta ng refurbished o pre-owned devices na aprubado ng NTC at hindi nabago o ginalaw.
Ayon sa panukala, dapat naka-box ang mga device, may tatak ng awtorisadong dealer o kumpanya, at may isang taong warranty para sa repair o replacement.
Tanging mga device na may kumpletong dokumento, lehitimong pinagmulan, at may pag-apruba ng NTC ang maaaring iangkat. Kailangan ding malinaw na nakalagay ang grading at warranty ng bawat unit bago ito maibenta sa publiko.
Dumalo sa pagdinig ang mga telecommunication entity, mga nagnanais maging awtorisadong dealer, at iba pang stakeholders. Tinalakay rin ang mga suhestyon kaugnay sa proteksyon ng intellectual property at karapatan ng mga manufacturer.
- Latest




















