Bryce, 6 pa nagpasok ng not guilty plea sa graft

MANILA, Philippines — Naghain ng not guilty plea sa Sandiganbayan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant Engineer Brice Hernandez at anim pang tauhan ng Bulacan First District Engineering Office kaugnay ng kasong graft na may kinalaman sa umano’y P77 milyong “ghost” flood control project sa Balagtas, Bulacan na iniuugnay kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Kabilang sa mga umapela ng not guilty sina Jaypee Mendoza, Juanito Mendoza, Arjay Domasig, Niño Morales, Floralyn Simbulan, at Christina Pineda.
Inatasan naman ng korte ang apat na opisyal na nasa floating status na magsumite ng paliwanag sa loob ng 10 araw kung bakit hindi sila dapat patawan ng preventive suspension habang dinidinig ang kaso.
Matapos basahin ang impormasyon ng kaso, iginiit ng depensa na nakasaad sa criminal information na hindi inirerekomenda ang piyansa, kahit pa ang kasong graft ay isang bailable offense. Dahil dito, hiniling ng prosekusyon sa korte na amyendahan ang information at magtakda ng piyansang P90,000 para sa bawat akusado.
Ayon sa Office of the Ombudsman, ang proyektong iginawad sa SYMS Construction Trading ay idineklarang 100 porsiyentong kumpleto noong Mayo 2, 2025. Gayunman, sa isinagawang inspeksiyon ay natuklasang wala umanong umiiral na flood control structure sa lugar.
- Latest






















