Matteo at Sarah, may bago na namang negosyo

May nagtanong kay Matteo Guidicelli kung nagtatayo raw ba sila ng empire ng wifey niyang si Sarah Geronimo? Dahil ito sa marami nilang businesses na sunud-sunod ang labas. Nauna ang G Studios, may G Production at ngayon, may G Music sila na in fairness, “maingay” agad.
Sayang at hindi pa nababasa ni Matteo ang tanong na ‘yun, kaya wala pang sagot. Saka, busy pa siya sa pagpo-promote sa July 30, 2025 drop ng collaboration nina Sarah at ng SB19 single na Umaaligid.
Ang G Music ang magre-release ng tinatawag na “Collaboration of the Year.”
Happy and excited sigurado ang mag-asawa dahil kahit hindi pa out ang single, trending na sa X. Waiting na ang fans sa release lalo na at tila matapang ang lyrics at may gustong tumbukin.
May kasunod ang unang tweet ni Matteo na “Yes it’s finally here! This has been established in its perfect time. SG will start owning her own music and creating exciting things.”
Ang kasunod niyang tweet ay “Big things coming your way” na ang tinutukoy ay ang release ng Umaaligid.
Open din si Matteo sa mga songwriter na gustong mag-submit ng compositions sa G Music. May nagtanong kung puwede siyang magpasa ng music? Ang sagot ni Matteo, “Send them over.” Masaya ito, mas sisigla ang music at recording industry sa pagdating ng G Music.
Emil Sumangil, ang daming dasal na hinihingi
Ang daming nagdasal sa kaligtasan ni Emil Sumangil nang makita ang post niya sa Instagram ng kamay na may hawak na rosary. Tapos ang caption ay “Iligtas mo ako sa banta’t peligrong dala ng aking trabaho, higit sa lahat sa tukso’t kasalanang lumalason sa aking puso’t isipan, Mahal na Panginoon.”
Mga comment na “Palagi kayong mag-iingat,” “Do not let your guard down,” “Praying for your safety,” “Always be safe,” “Kapit lang sa Dios u are in the right track... kailangan ka ng Pilipinas para protektahan ang mga samut saring sindikato,” ang ilan sa mababasa.
May nagtanong din kay Emil kung may offer ba sa kanya na itigil ang kanyang pagre-report tungkol sa mga nawawalang sabungero dahil sa post ni Emil na “Sa tukso’t kasalanang lumalason sa aking puso’t isipan.”
Matatandaang nauna nang humingi ng prayers for Emil ang misis nito dahil nga sobrang controversial ang interview niya kay Julie “Totoy” Patidongan. Ang daming rebelasyon at ang dami niyang pinangalanan.
At dahil si Emil ang unang nag-interview kay Totoy, hindi maiwasang may mga magalit sa kanya.
Jodi, gustong mag-uwi ng kalabaw
Nakakatawa ang nangyari kay Jodi Sta. Maria habang on cam at sinasabi ang kanyang spiel noong nasa Philippine Carabao Center siya. Kinagat ng mga kalabaw ang suot niyang lab gown, “ano ba ito?” na lang ang nasabi nito at hindi napigilang tumawa.
Pati ang followers niya, natawa sa nangyayari sa tabi ni Jodi at sa pagpapapansin ng dalawang kalabaw.
Biniro siya na ampunin niya ang dalawang playful kalabaw para may kalaro ang furbabies niya na ang iba ay kanyang inampon. Sa pagiging malapit ng mga kalabaw sa aktres, ibig daw sabihin, true blue animal lover siya.
Ang caption ni Jodi sa kanyang post ay “Met the cutest baby carabaos at the Philippine Carabao Center. My heart melted. Gusto kong iuwi. Kahit makulit sila. Pwede kaya?”
- Latest





















