Reverb Worship at CBN Asia, nag-collab sa seen

Naglabas ang Reverb Worship, ang music arm ng CBN Asia, ng Seen, isang seven-song collection ng original Christian music na likha at hango sa mga tunay na karanasan ng pananampalataya, pagdududa, pagsuko sa Diyos, pag-asa at kagalakan sa pakikipagtulungan sa Bakehouse Studios.
Pinagsasama-sama ng album ang pitong artist na may kani-kaniyang natatanging istilo at pagpapahayag sa musika, na nagkakaisa sa iisang katotohanan—magkakaiba man ang mga kuwento at tunog, iisa ang Diyos na nakakakita sa atin.
Sa puso ng Seen ay isang tanong na dinadala ng maraming tao sa gitna ng panahong puno ng pagsubok: Ano ang ibig sabihin ng makita at makilala tayo ng Diyos?
Tampok dito sina Andrea Badinas, Elaisha Trinidad, Hazel Faith, Joleah Tulagan, Marco Taniegra, Joselle Feliciano at Denise Parroco.
Bawat isa ay nagdadala ng natatanging tinig at musical identity sa proyekto.
Sumasaklaw rin ang album sa iba’t ibang istilo ng musika, kabilang ang Christian contemporary, pop, jazz, ballad, gospel at praise and worship. Bagama’t magkakaiba ang tunog ng mga awitin, pinag-uugnay ang mga ito ng pangunahing tema ng album: mga personal na kuwento tungkol sa karanasan sa katapatan ng Diyos.
Mahalagang bahagi rin ng album ang kolaborasyon ng Reverb Worship at Bakehouse Studios na matatagpuan sa Virginia Beach, USA. Pinag-isa ng proyektong ito ang mga artist at collaborator mula sa Pilipinas at US.
Para kay Jim Parroco, may-ari ng Bakehouse Studios at producer ng ilan sa mga awitin sa album, nagsimula ang proseso ng produksiyon sa pag-unawa sa mga kuwentong nasa likod ng bawat kanta.
Ayon naman kay John Valdes Tan, Executive Vice President at Chief Operating Officer ng CBN Asia, nabuo ang pakikipagtulungang ito mula sa matagal nang ugnayan nila ni Parroco at sa iisang hangaring itaguyod ang kahusayan sa Christian music.
Sa puso ng album ay isang payak ngunit makapangyarihang paalala: Kahit sa mga sandaling pakiramdam natin ay walang nakakakita sa atin, laging naroroon ang Diyos.
- Latest





















