Wilbert, may sagot sa kanila ng fashion designer

Hindi dinedma ng aktor na si Wilbert Ross ang ilang isyung kinasangkutan niya, lalo na itong pagkaka-link niya sa mga kilalang bading.
Kasi naman sa totoo lang, ang dami naman talagang mga bading ang nagnanasa sa kakisigan ng Viva actor.
‘Di ba meron ngang kilalang gay director na gustung-gusto siyang idirek dahil sa matagal na pala niya itong crush?
Ang alam ko nakarating na nga kay Wilbert ang pagnanasa sa kanya ni direk at naging magkaibigan tuloy sila. Nawala na raw ang malisya!
Pero kung kani-kanino pa siya na-link.
Ang recent nga itong pagkaka-link niya sa kaibigan naming kilalang fashion designer na si Paul Cabral.
May mga pumik-ap sa intrigang ito na napag-usapan sa social media. Pero ewan ko kung legit nga itong ikinalat sa X na sinagot ni Wilbert ang intrigang ‘yun.
Sabi roon sa X na reaction ni Wilbert, “Jusko, lahat na lang. Inasar yan sakin ni Ganda kase crush crush daw ako ni Paul that time dahil maganda daw boses ko.”
Naka-tag pa kay Vice Ganda ang sagot na ‘yun ni Wilbert.
Paglilinaw pa uli ni Wilbert na nakuha namin sa X, “Mamu is a good friend kaya tigilan niyo kaka-issue. I hang out regularly kasama mga friends ni Motherdear ng walang ka malisya malisya at lahat sila marespeto kaya di ako naiilang sa kanila kahit makakasama ko sa bahay.”
Tamang-tama naman kasi nagpo-promote na si Wilbert kasama ang ka-loveteam niyang si Bea Binene ng pelikula nilang Pee Mak na magso-showing na sa Oct. 14.
Ito nga ang nagte-trending sa ngayon dahil nag-iikot na sila para i-promote itong Philippine adaptation ng Thai blockbuster na Pee Mak.
Marjo, ramdam pa ang magic
Walang eklay talaga! Kasi sa totoo lang, nandiyan pa rin pala talaga ang kilig sa tambalang MarJo nina Marvin Agustin at Jolina Magdangal.
Base sa dalawang episodes ng bagong sitcom nilang Mommy Guard sa TV5, kering-keri pa rin talaga nilang magpakilig sa mga manonood lalo na sa kanilang fans.
Malaking bagay nga siguro ‘yung talagang kampante na sila sa isa’t-isa, dahil naging magkaibigan na sila.
“Siguro sa ano, ‘yung pagiging totoo namin sa isa’t isa. Best friends talaga kami nito, e,” tugon ni Jolina.
Singit naman ni Marvin, “Best friend lang?”
Kaya tilian na naman ang fans na kasama doon sa screening na ginanap sa Vibe studio ng TV5 noong Biyernes.
Sabi pa ni Jolens, “Oo, ‘yung siguro, tingin ko ganun, ha? At saka hindi kami... ako, ‘pag may nararamdaman ako na feeling ko baka makaapekto sa pupuwede naming gawing eksena o kaya sa relationship namin as magkaibigan, kailangang ikuwento ko sa kanya.
“Tapos ‘pag meron akong kailangang magpaturo sa something or anuman, sasabihin ko sa kanya.
“And nararamdaman ko rin lagi ang sincerity ni Marvin. Kaya siguro… hindi ko alam. Ewan ko, ayoko ngang malaman kung ano ang magic na ‘yun.
“Kasi baka ‘pag nalaman, e, mawala na siya.”
Si Marvin naman parang sure siya sa sinasabi niya. “Parang alam ko ‘yung magic. Kasi, minsan ‘pag nag-eeksena kami ni Jolina tapos titingnan niya ako, parang yummy na yummy siya sa akin.
“Parang… naa-absorb ko tuloy! Tapos sasabihin ko, ‘Ang yummy ko siguro talaga!’ Ha! Ha! Ha! Ha! Iyon…”
Nakakunot-noong sabi ni Jolina, “Hindi naman ako mahilig sa yummy!”
Tanong ni Marvin, “Bakit mahilig ka sa akin?”
Mabilis na sagot ni Jolina, “Hindi ko alam. Siguro ano, eto ang isa na hindi ko talaga maalis-alis sa sarili ko, na ‘pag si Marvin, meron siyang sinasabi sa akin na alam ko naman na nambobola, pero parang patol na patol talaga ako… Parang ganun, patol na patol na patol talaga ako!”
Mahigit 40 years old na sina Marvin at Jolina, pero aminado rin silang kinikilig pa rin sila sa kanilang tambalan.
Thirty years na nga raw nilang inalagaan ang kanilang loveteam at nandiyan pa rin ang loyal fans nila para sumuporta.
Magsisimula na itong iere sa Oct. 19 na mapapanood sa TV5 at sa ABS-CBN platforms ng Lunes hanggang Biyernes ng 2:30 ng hapon.
Sa Oct. 16 naman ito sa Netflix.
Kasama nila rito ang mga baguhang Star Worx talents na sina Amo Wilding at Nathalie Apollo.
Magagaling din ang iba pang nasa cast na sina Cedrick Juan, Dominic Ochoa, Roxanne Guinoo, Susan Africa, Ruby Ruiz, Soliman Cruz sa ilalim ng direksyon ni Roman Perez, Jr.
Will, pinagdarasal na magka-award pa
Grabe rin ang suporta ng fans nina Will Ashley at Mika Salamanca sa media conference ng bagong afternoon drama ng GMA 7 na Delivery Boi na ginanap sa studio 7 ng GMA 7 noong Biyernes.
Pasabog ang mga food cart na inihanda nila para mabusog ang entertainment media. May giveaways pa na kinarir din nila para sa lahat.
Tamang-tama namang kapapanalo lang ni Will bilang Best Supporting Actor mula sa Gawad Urian, kaya ang saya lang ng lahat, lalo na si Will na tinawag ni Mika na premyadong aktor.
Tila nahihiya pa ang Kapuso actor kapag ganun na ang tinatawag sa kanya, pero deserved naman talaga ni Will ang mga natatanggap nitong award dahil sa magaling niyang pagganap bilang si Arvin Asuncion sa Bar Boys: After School.
“Hindi naman grabe!” bulalas ni Will.
“Wala. Ano po ‘yun... ewan ko po. Siguro kailangan kong pag-aralan para tanggapin ‘yun sa sarili ko.
“Pero ngayon kasi, mas nangingibabaw ‘yung... hindi ko alam kung paano tanggapin e.
“Tho alam ko po siya, pero hindi ko alam paano ko siya tanggapin sa sarili ko,” tila nahihiya pang pahayag ni Will Ashley.
Pero thankful siya dito sa Delivery Boi dahil naging bonding na rin nila ni Mika ang trabaho, na magkasama sila sa taping nito.
“Malaking bagay at malaking tulong sa amin para magawa ‘yung mga characters namin, ‘yung mga bawat eksena na ginagawa namin. ‘Yung bonding na ginagawa namin,” tugon nito.
May mga kasunod pang award-giving bodies at inaasahan ding makukuha rin ito ni Will.
Nahihiya pa siya sa sinabi naming baka ma-grand slam pa niya ito. “Pinagpe-pray ko actually. Pero let’s see, let’s see. Pero happy ako na nagampanan ko nang maayos ang character ni Arvin Asuncion,” saad nito.
Magsisimula na ang Delivery Boi sa Oct. 19 ng 3:20 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes.
- Latest

























