EDITORYAL - POGO, umaariba na naman!
NOONG nakaraang linggo, 244 dayuhan na karamihan ay mga Chinese, ang naaresto sa dalawang illegal POGO hub sa Zamboanga Sibugay. Ang pagkakaaresto sa mga dayuhan ang pinakamalaking POGO crackdown ngayong taon, ayon sa Bureau of Immigration. Libu-libong cell phones, SIM card, laptop at iba pang gamit na pinaghihinalaang ginagamit sa online scam ang nakumpiska.
Mahigit dalawang taon na ang nakararaan mula nang ianunsiyo ang total ban sa POGO sa ilalim ng Anti-POGO Act of 2025, na nagkakansela rin sa mga permit at visa na konektado sa offshore gaming.
Ang ban sa POGO ay inanunsiyo pa ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA. Sabi ni Marcos sa kanyang SONA ukol sa POGO: “Kailangan nang itigil ang panggugulo nito sa ating lipunan at paglalapastangan sa ating bansa.” Ang pag-aanunsiyo ni Marcos sa pag-ban sa POGO ay pinuri nang marami.
Kasunod niyon, nagkaroon nang malawakang paghuli sa mga illegal na POGO operators na ginagamit din sa human trafficking. Nalantad ang pagkakasangkot ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo. Tumakas si Guo noong Setyembre 2024 pero nahuli sa Indonesia. Nakakulong na si Guo sa Correctional Institution for Women.
Ngayon, bumabalik na naman ang bangungot ng POGO. Umaariba na naman. Namamayagpag ang POGO sa Zamboanga Sibugay na nakapagtatakang paano naitago ang ganitong malaking operasyon? Nasa isang compound ito na may daan-daang dayuhang manggagawa, 3,000 hanggang 4,000 cell phones, at malaking pangangailangan sa kuryente, internet at tirahan. Paano ito nakalusot nang matagal?
Iniimbestigahan na ng NBI kung ginamit din ang mga pasilidad sa troll farm operations, dahil sa rami ng gadget at equipment para sa mass text messaging. Sinusuri din kung may government official na sangkot, bagaman wala pang napapatunayan. Mayroon ding 51 trafficking victims na nasagip at dinala sa Manila para sa verification at profiling.
Hindi ito simpleng paglabag sa immigration. May mga taong ginamit at sinaktan.
Hindi sapat ang raid na ginagawa pagkatapos lumaki ang operasyon.
Dapat magtulungan ang BI, NBI at mga LGU sa mas maagang pagtukoy ng mga kahina-hinalang pasilidad. Dapat tiyakin ng mga lokal na opisyal kung sino ang nagpapatakbo ng mga compound sa kanilang nasasakupan. At kung may opisyal o pribadong taong tumulong para manatiling lihim ang operasyon, dapat silang papanagutin.
Bawal na ang POGO sa papel. Ngayon, patunayan ng gobyerno na kaya rin itong ipagbawal sa aktuwal, bago pa ito muling mabuhay sa ibang tawag o pangalan. Huwag hayaang ang bangungot ng POGO ay muling mangibabaw.
- Latest















