Tres Queridas (28)
NAPASINGHAP si Celeste at Diana nang marinig ang boses ni Carlo sa speakerphone. Namuo ang luha sa mga mata ni Diana.
“Carlo? Ikaw ba ‘yan? Walanghiya ka! Magpakita ka!” sigaw ni Celeste sa phone. Wala na itong pakialam kahit pinagtitinginan na sila ng mga pasahero sa terminal.
Kinuha ni Diana ang phone para siya naman ang makipag-usap. Walong taon niyang kabisado ang boses na iyon. Buhay na buhay, ngunit tila pag-aari ng isang estranghero.
“Carlo... nasaan ka?!” mariing sabi ni Diana na huwag sumigaw upang hindi makaagaw ng atensiyon. “Bakit mo ginagawa ‘to sa amin?!” halos magsara ang lalamunan ni Diana dahil pinipigil nitong huwag umiyak.
“Tigilan n’yo na ito. Hindi n’yo alam kung anong gulo ang inyong pinasok,” sagot ni Carlo, madalian at walang emosyon ang tono. “Huwag n’yo na akong hahanapin.”
Luminga-linga si Diana sa paligid. Nang tumingala ito sa madilim na footbridge sa tapat ng terminal, may nakita siyang lalaki na may hawak na cell phone.
“Ayun si Carlo!” sigaw ni Diana kay Celeste habang nakaturo sa taas ng footbridge.
Sa gitna ng mga naglalakad na pasahero, isang lalaking nakaitim na jacket at navy blue na sumbrero ang nakatayo, diretsong nakatingin pababa sa kanila. Kahit madilim, imposibleng magkamali sina Diana at Celeste sa tindig ng lalaking minahal nila.
Nakatitig lang si Carlo sa kanila mula sa itaas. Ibinaba niya ang hawak na phone mula sa taynga, ibinaba ang tingin nang may halong lungkot at babala, bago mabilis na tumalikod.
“Lagot ka sa akin, Carlo, humanda ka sa akin kapag naabutan kita.” sabi ni Celeste habang namumula sa galit.
Sinubukan nitong tumakbo paakyat ng footbridge para habulin si Carlo ngunit dagsa na ang mga naglalakad na mga tao kaya hindi na nito naabutan ang kanyang mister. (Itutuloy)
- Latest















