5 kawani ng LTO, timbog sa extortion

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Limang kawani ng Land Transportation Office (LTO) sa Rehiyon 2 ang dinakip ng mga awtoridad sa isinagawang entrapment operation sa bahagi ng Barangay Banggot sa bayan ng Bambang, dito, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nadakip na mga suspek sa mga alyas na “Khain”, 29; “Abhel”, 35; “Hacob”, 36; “Munding”, 39, at “Totoy”, 42, pawang empleyado ng LTO-Region 2 (Cagayan Valley).
Ayon sa report, ang mga suspek na sakay sa isang LTO-issued Nissan Navara (SAA 9655) ay nadakip matapos kumagat sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad sa pangunguna ni P/Maj. Randy Velarde, hepe ng Bambang Police Station, katuwang ang operatiba ng NVPIO, PIT-NV, sa tulong ng DOTr-CAR sa Baldovi Terminal Compound, Sulucan Street, Purok 1 sa Brgy. Banggot alas-6:00 ng gabi.
Batay sa ulat ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO), ang mga suspek ay humihingi ng P200,000 kapalit ng impounded van o P25,000 para sa agarang settlement. Nangongolekta rin umano ang mga LTO officers ng P1,000 kada unit o P2,000 kada van na may green plate bilang buwanang lagay para iwas huli.
Nakuha sa mga suspek ang ginamit na P40,000 marked money; isang cal. .45 Armscor pistol; isang cal. .45 pistol; isang Glock 29 (9mm) pistol, sari-saring magazine at mga bala; isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, mga IDs, cash at iba pang personal na kagamitan.
- Latest























