Damo Sa Pilapil (28)
Nakakuha si Zac ng duplicate copies ng papeles na hinahanap ni Bisor na masungit. Nagpa-xerox siya nang marami para may kopya siya sakaling “mawala” uli ang mga ito.
Dinala niya iyon sa kuwarto ni Bisor Sungit.
“Eto na po ang duplicate copies,” sabi niya.
“Ibaba mo lang diyan!” Sabi ng bisor na hindi man lang tumingin sa kanya. Parang hindi interesado sa mga papeles na pinaghirapan niyang kunin sa kompanya sa Pasig.
Lumabas na si Zac at ipinagpatuloy ang ginagawa. Bakit nga kaya mainit ang hininga sa kanya ng bisor. Bakit siya pinahihirapan nito gayung wala naman siyang atraso? Puro trabaho lang siya. Totoo naman na binigay niya sa bisor ang duplicate copies nung araw na diniliber ito pero wala raw siyang natanggap. Bakit kailangang pahirapan siya ng bisor?
Sa dakong huli, kinalimutan na lamang ni Zac ang pangyayaring iyon. Hindi niya bibigyan ng pansin ang ginagawa sa kanya ni Bisor. Magsasawa rin ito.
Basta magpapatuloy siya sa pagtupad ng tungkulin sa opisina at pagbubutihin pa ang pag-aaral.
NATIYEMPUHAN ni Zac si Mam Dulce isang umaga.
Ipinakita niya ang grades sa unang semester.
Tuwang-tuwa si Mam Dulce nang makita ang matataas na marka ni Zac.
“Good job! Ang tataas ng grades mo, Zac!’’
“Salamat po.’’
“Pagbutihan mo pa.’’
“Opo Mam.’’
“Minsan kumain tayo sa labas.’’
Napatango si Zac.
(Itutuloy)
- Latest