Suklam (70)
“PAYUHAN mo ang iyong kaibigan, Brent,’’ sabi ng tatay ni Brent sa mahinang tinig. “Ang babaing minsan nang nagtaksil ay mahirap nang pagkatiwalaan. Gagawa uli ng pagkakasala dahil yun ang nasa dugo niya.’’
Tumango si Brent bilang pagsang-ayon sa kanyang tatay.
“Bilang kaibigan, payuhan mo para hindi na siya masaktan pang muli. Isandaang porsiyento na gagawa uli ng pangangalunya ang asawa niya. Matanda na ako Brent at marami nang karanasan.’’
“Sasabihin ko sa kanya ‘Tay.’’
“Alam mo ba kung bakit ko nasabi na ang isang babaing minsan nang nangalunya ay uulit muli?’’
“Bakit Tatay?’’
Humugot nang mahabang buntunghininga ang tatay ni Brent.
At saka nagsalita.
“Nahuli ko na noon ang nanay mo na may ibang lalaki. Pero pinatawad ko sa pag-aakalang hindi na siya gagawa muli ng kasalanan. Pero nagkamali ako.”
Gimbal si Brent sa pinagtapat ng ama.
Itutuloy
- Latest