Broccoli at cauliflower laban sa kanser (Part 1)
Alam nating masustansya ang mga gulay, pero alam niyo ba na ang broccoli at cauliflower ay tinagurian ng mga eksperto na pinakamasustansyang gulay?
Ayon sa US Department of Agriculture, ang broccoli ay mas mayaman sa vitamin C kumpara sa orange. Kasing-dami ang calcium ng broccoli sa isang basong gatas. Ang mga sanga ng broccoli ay may 3 doble ng fiber kumpara sa isang piraso ng wheat bread.
Heto ang mga sakit na puwedeng matutulungan ng broccoli at cauliflower:
1. Para sa mga babae.
Ang broccoli ay may kemikal na sulforaphane na makatutulong sa pag-iwas sa breast cancer. Ang sulforaphane ay pinipigilan ang isang estrogen metabolite na may kaugnayan sa breast cancer. May taglay na folic acid din ang broccoli na kailangan ng bata sa sinapupunan. Mayroon din itong calcium na makatutulong din sa pag-iwas sa osteoporosis.
2. Para labanan ang kanser.
Ang sulforaphane ay nagpapadami ng isang selula na kung tawagin ay ‘helper T-cells.’ Tinutulungan nito ang ating atay na tanggalin ang mga dumi na nalalanghap natin tulad ng usok ng sigarilyo, usok ng sasakyan, at mga gamot at alak na ininom. Ayon sa pagsusuri sa Tokyo at Singapore, makatutulong ang broccoli at cauliflower sa pag-iwas sa kanser sa balat at kanser sa baga. Sa katunayan, ayon sa World Cancer Research Fund, may 206 na pagsisiyasat na ang nagsasabi na ang broccoli at cauliflower ay pangontra sa kanser sa bibig, lalamunan, suso, tiyan, baga, pale (pancreas) at bituka.
3. Para sa mataas ang kolesterol.
Ang fiber na taglay ng broccoli ay makatutulong sa pagbaba ng kolesterol sa dugo at masasabi nating makalilinis sa ating bituka.
4. Para pumayat.
Hindi nakatataba ang mga gulay kumpara sa karne at matatamis na pagkain. Ang isang tasa ng broccoli o cauliflower ay may taglay lamang ng 46 calories. Kung gusto ninyo pumayat, kumain ng maraming gulay para mabusog agad.
5. Para lumakas ang katawan.
Maraming antioxidants (panlaban sa sakit) ang broccoli tulad ng beta-carotene, vitamin C at glutathione. May mga eksperto ang nagsasabi na mas mabisa ang natural na glutathione na galing sa gulay dahil tinutulungan nito ang ating atay na alisin ang masasamang kemikal tulad ng lead at mercury.
Bukod sa mga sakit na nabanggit, ang pagkain ng broccoli at cauliflower ay tinataya ding may benepisyo sa sakit na Alzheimer’s disease, diabetes, sakit sa puso at arthritis. Sa susunod, tatalakayin natin ang tamang pagkain nito. Abangan!
- Latest