Iniwanan ng siyota dahil may bad breath
Dear Dr. Love,
Unang-una ay bumabati muna ako sa inyo ng mapayapang araw.
Sana ay patuloy pang lumawak ang inyong kolum na Dr. Love.
Tawagin n’yo na lang akong Jimboy, 24 anyos. Nagtataka ako kung bakit iniwanan ako ng girlfriend ko. Bigla na lang nakipag-break. ‘Yun pala ay dahil sa aking masamang hininga o bad breath.
Wala naman akong bad breath noon. Bigla na lang noong dalawang buwan na ang nakararaan ay may nakakapansin na mabaho ang aking hininga.
Hindi ko po alam kung saan ito nanggaling.
Lima na pong ngipin ang pinapastahan ko noong Disyembre. Nagpalinis pa ako hanggang Marso.
Saka parang may basa sa aking lalamunan. Tungkol po kaya ito sa plema o sipon?
Ano po kaya ang pinakamagandang gawin? Saang doktor magandang magpatingin?
Tulungan po ninyo ako kung ano ang dapat na gawin.
Siyanga pala, pustiso po ‘yung apat kong ngipin sa harap.
Jimboy
Dear Jimboy,
Talagang malaking problema ang pagkakaroon ng ano mang masamang amoy sa katawan. Makabubuti kung sasangguni ka sa doctor na espesyalista sa Ear, Nose, Throat o ENT.
Kung maganda naman ang oral hygiene mo, walang dahilan kung bakit bumaho ang hininga mo. Sabi ng mga espesyalista, baka may internal problem.
Bukod sa pagsisipilyo ng ngipin, tatlong beses isang araw; makabubuting gumamit ka rin ng mga pangmumog na makapag-aalis ng bacteria sa bibig na siyang pinagmumulan ng pagbaho ng hininga. Kung hindi pa malunasan, talagang dapat ka nang sumangguni sa doctor. Madaling matuklasan sa pagsusuri kung ano ang pinagmumulan ng mabahong amoy sa bibig bukod sa pagkakaroon ng sirang ngipin.
Sana nakatulong nga ako sa iyo.
Dr. Love
- Latest