EDITORYAL - Solusyon sa kawalan ng trabaho
NADAGDAGAN ng dalawang milyon ang mga walang trabaho sa unang tatlong buwan ng 2016, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS). Ang mga walang trabaho ay binubuo ng 5.9 million adults na kusang umalis sa kanilang trabaho, 3.3 million adults na involuntarily na nawalan ng trabaho at 1.5 million adults na first time na naghahanap ng trabaho. Kabilang din dito ang mga na-retrenched na umabot sa walo hanggang siyam na porsiyento.
Ganunman, ayon pa rin sa survey, 39 percent ng respondents ang nagsabi na malaki ang pag-asa na makakuha ng trabaho sa susunod na 12 buwan. Malaki ang kanilang paniniwala na darami ang trabaho lalo pa’t bago ang administrasyon. Nasa 31 percent naman ang nagsasabi na walang pagbabagong mangyayari at 12 percent ang nagsasabi na mababawasan ang walang trabaho.
Ang kawalan ng trabaho ang nagtutulak sa ilan para makagawa ng masama. Dahil sa nararanasang gutom, napipilitan silang magnakaw at mangholdap. Nakakapit na sila sa patalim. Nagrerebelde ang kanilang bituka at hindi na nila kayang pigilin. Kung magkakaroon nang maraming trabaho, malulutas na ang mga krimen. Magkakaroon nang kaayusan.
Ang problemang ito ang isa sa dapat solusyunan ng Duterte administration. Kailangang makalikha nang maraming trabahao para wala nang magutom.
Sa aming paniwala, ang pagpapaunlad ng sector ng agrikultura ang dapat tutukan ng kasalukuyang administrasyon. Buhusan ang pagpapaunlad sa mga bukirin. Bigyan ng suporta ang mga magsasaka. Gumawa ng irigasyon. Bigyan ng mga binhi na madaling pakinabangan. Sa sector ng agrikultura nanggagaling ang pagkain kaya narito rin ang trabaho. Hindi mauubusan ng trabaho dahil kumakain araw-araw ang mga tao.
- Latest















