Lalaki sa U.S., inaresto sa airport matapos magpuslit ng 10 buhay na ibon na nakatago sa kanyang underwear!
INARESTO sa Miami International Airport ang isang 40-anyos na lalaki matapos itong mahulihan ng 10 buhay na ibon na nakatago sa loob ng kanyang underwear mula sa isang flight mula Cuba.
Kinilala ang lalaki na si Alberto Hernandez Castillo, isang Cuban national at legal permanent resident ng United States.
Dumating si Hernandez Castillo sa Miami sakay ng Atlantic Flight 503 mula Havana nang mapili siya para sa secondary inspection ng U.S. Customs and Border Protection.
Ayon sa complaint, sinabi niyang isang carry-on bag at isang belt bag lamang ang kanyang dala. Sa Customs Entry Form, sinagot din niya ng “no” ang mga tanong kung may dala siyang hayop papasok sa bansa.
Wala namang nakitang contraband sa kanyang mga bag. Gayunman, napansin umano ng mga opisyal ang isang kakaibang umbok sa harapang bahagi ng kanyang pants at naging nerbiyoso umano siya habang tinatanong tungkol sa kanyang biyahe.
Sa isinagawang pagkapkap, natuklasan ng mga opisyal ang anim na clear plastic tube containers na binalot ng tape at itinahi sa loob ng kanyang underwear.
Nang suriin ang mga lalagyan, lumabas na may mga buhay na ibon sa loob. Sa kabuuan, 10 ibon ang umano’y nakatago niya sa mga plastic tube containers.
Ayon sa complaint, sinabi ni Hernandez Castillo na para sa kanyang “personal use” ang mga ibon. Kalaunan ay napag-alamang wala siyang kinakailangang dokumento para legal na maipasok ang mga ito sa United States. Dahil dito, inaresto siya at kinasuhan ng smuggling goods into the United States.
- Latest




















