Gilas sasagupa sa Lebanon para makalapit sa 5th place
MANILA, Philippines - Wala nang iba pang hangarin ang Nationals kundi ang makuha ang fifth place matapos sibakin ng Koreans sa quarterfinal round ng 2017 FIBA Asia Cup noong Miyerkules.
Sasagupain ng Gilas Pilipinas ang host Lebanon ngayong alas-9 ng gabi sa consolation round ng torneo sa Nouhad Nawfal Sports Complex, Beirut, Lebanon.
Ang mananalo sa nasabing bakbakan ang makikipagtuos sa mananaig sa laban ng China at Jordan sa alas-6:30 ng gabi para sa fifth place.
Posibleng muling magkrus ang mga landas ng Nationals at Chinese matapos maglaban sa gold medal round noong 2013 at 2015 FIBA Asia Cup.
Tinalo ng China ang Gilas sa nasabing dalawang edisyon ng Asian meet na idinaos sa Manila at sa Changsha, China noong 2013 at 2015, ayon sa pagkakasunod.
Ito na ang magiging pinakamasamang kampanya ng Nationals sa nakalipas na apat na edisyon ng FIBA Asia Cup matapos pumuwesto sa No. 4 sa Wuhan, China noong 2011 at No. 2 sa Manila noong 2013 at sa Changsha noong 2015.
Makakaharap naman ng Iran ang South Korea at makakatapat ng Australia ang New Zealand sa semifinals na magdedetermina sa mag-aagawan para sa gold medal.
Ang Korea ang nagpatumba sa Gilas, 86-118, sa kanilang quarterfinals game noong nakaraang Miyerkules sa nasabing 12-day, 16-nation tournament.
Bago yumukod sa mga Koreans sa quarterfinals ay winalis muna ng Nationals ang mga Chinese, 96-87, Iraqis, 84-68, at Qataris, 80-74, para kumpletuhin ang three-game sweep sa Group B.
Ginawa ito ng Gilas bagama’t hindi naglaro sina 6-foot-8 naturalized center Andray Blatche at 6'10 June Mar Fajardo (right calf injury).
Samantala, dinaig ng Australia ang China, 97-71, habang pinabagsak ng New Zealand ang Jordan, 98-70, para makasama sa Final Four ang Iran, ang three-time champions, at ang Korea, ang two-time ruler.
- Latest