Dyip buhay pa sa quarterfinals

MANILA, Philippines — Binuhay ng Terrafirma ang pag-asa sa quarterfinal round matapos patalsikin ang guest team Macau, 146-127, sa Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagkuwintas si import Justin Strings ng 32 points at 11 rebounds, habang bumanat si Juami Tiongson ng 30 markers tampok ang pitong three-point shots para ibangon ang Dyip mula sa isang two-game losing skid at itaas ang kanilang kartada sa 4-6 sa Group A.
Nag-ambag si JM Bravo ng career-high 22 points at may 18 markers at 20 boards si No. 1 overall pick Geo Chiu.
“As long as we keep on competing, we have chances to win,” sabi ni coach Ronald Tubid na nakahugot din kina Brent Paraiso at Joseph Eriobu ng tig-11 points.
Tuluyan nang nasibak ang Giant Pandas sa kanilang 2-8 marka kasama ang apat na dikit na talo.
Ang huling panalo ng Macau ay kontra sa Terrafirma, 96-92, noong Hulyo 29.
Kaya naman gigil makaganti ang Dyip sa pagtatala ng 67-53 abante sa 3:32 minuto bago ang halftime.
Ang drive ni Strings ang nagbaon sa Giant Pandas sa 87-68 sa kaagahan ng third period na tuluyan nang lumobo sa 112-92 sa huling 1:17 minuto galing sa triple ni Tiongson.
Sa pangunguna nina import Oscar Lopez at Kobey Lam ay nakalapit ang Macau sa 120-130 sa huling 3:51 minuto ng fourth quarter.
Hindi nagpabaya ang Dyip at muling sumandal kay Strings para kumpletuhin ang kanilang pagresbak sa guest squad.
- Latest




















