^

PSN Opinyon

Mag-ingat sa text scam sa NCAP

Magmiron Tayo - Rowena del Prado - Pilipino Star Ngayon

Hindi na lang sa kalsada dapat maging maingat ang publiko. Sa panahon ngayon, pati simpleng text message ay maaaring maging daan upang mawalan ng pera at personal na impormasyon.

Kamakailan, maraming mamamayan ang nakatatanggap ng mensahe tungkol sa umano’y paglabag sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy o NCAP. Karaniwan, may kasamang link na dapat daw i-click upang makita ang detalye ng paglabag o makapagbayad ng multa.

Ang problema, hindi lahat ng nakatatanggap nito ay may sasakyan o nagmamaneho. Isa lamang ang aking pamangkin sa nakatanggap ng text na mayroon umano siyang traffic violation sa Metro Manila kahit hindi naman siya nakapupunta sa Maynila. Mas nakapagtataka ang isang senior citizen na lola na nakatanggap din ng kaparehong mensahe gayong hindi naman siya marunong magmaneho at wala ring lisensiya.

Ipinakikita lamang nito na hindi totoong paglabag ang pakay ng mga scammer. Nagsasaboy sila ng mensahe sa libu-libong numero at umaasang may maniniwala.

Takot ang kanilang pangunahing sandata. Kapag nabasa ng isang tao na mayroon siyang multa o nilabag na batas-trapiko, natural na mababahala siya. Sa pagmamadali, maaaring hindi na niya suriin kung lehitimo ba ang mensahe at agad na i-click ang link. Doon nagsisimula ang panganib.

Kaya mahalagang tandaan na hindi dapat basta-basta nagtitiwala sa mga text na humihingi ng bayad o personal na impormasyon. Ang anumang abiso ay dapat munang beripikahin sa opisyal na website o social media page ng kinauukulang ahensiya.

Habang patuloy na ginagamit ang teknolohiya upang mapabuti ang serbisyo publiko, kailangan ding paigtingin ang kampanya laban sa mga cybercriminal. Ngunit higit sa lahat, ang pinakamabisang depensa ay ang pagiging mapanuri ng bawat mamamayan.

Kaya huwag agad magpadala sa takot. Dahil sa maraming pagkakataon, ang takot mismo ang ginagamit ng mga scammer upang mabuksan ang pinto ng kanilang panloloko. Ang ilang minutong pagberipika ay maaaring makapigil sa malaking perwisyo at pagkawala ng pinaghirapang pera.

NCAP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with