‘Sa P6.60 GCash IPO siguradong maeengganyo ang karaniwang Pinoy’
Ang P6.60 bawat share ay abot-kayang presyo ng maraming ordinaryong Pilipinong gustong magkaroon ng bahagi sa GCash.
Itinakda ng Mynt Inc., ang parent company ng GCash, ang final offer price sa P6.60 matapos umano itong makatanggap ng malakas na demand mula sa local at foreign institutional investors.
Ilang ulit naging oversubscribed ang bookbuilding process, sambit ng mga financial analysts, na nangangahulugang magandang senyales ng mataas na interes.
Ngunit hindi ibig sabihin na dahil maraming malalaking investor ang interesado ay kailangan na ring sumabay ng lahat, kailangang pag-aralan pa rin ito.
Mag-aalok diumano ang Mynt ng humigit-kumulang 8.03 bilyong shares na maaaring makalikom ng P53 bilyon. Kapag ginamit nang buo ang overallotment option, maaari itong umabot sa P60.9 bilyon. Posible itong maging pinakamalaking IPO sa kasaysayan ng Philippine stock market.
Malaking bagay, pero hindi dapat ang laki ng IPO ang maging dahilan para makalimutan ng maliit na investor ang mga panganib.
Ang gustong makita ng publiko ay kung matutupad ang layunin ng Mynt na makasama ang Filipino retail investors sa magiging mga shareholder.
Milyun-milyong Pilipino ang gumagamit ng GCash, kaya natural lamang na marami ang magka-interes na magkaroon ng bahagi sa kumpanyang ginagamit nila araw-araw.
Pero magkaiba ang pagiging user at pagiging shareholder. Kapag investor ka na, pera mo na ang nakataya.
At dito dapat maging maingat ang mga bibili. Hindi sapat na tingnan ang P6.60 at isipin na mura na ito. May minimum subscription, mga bayarin, pagbabago-bago ng presyo at posibilidad na bumaba ang halaga ng shares pagkatapos ng listing. Ang offer price ay hindi garantiya na kikita ang investor.
Mas magiging makabuluhan ang GCash IPO kung hindi lamang ito magiging rekord sa laki, kundi magiging pagkakataon din para mas maraming Pilipino na matutong maging responsableng investors.
Hindi masama ang sumubok sa stock market, basta alam natin kung ano ang binibili natin.
Inaasahang tatakbo ang retail offer mula Oktubte 6 hanggang 12, ngunit papailalim sa regulatory approval, at inaasahang magsisimulang i-trade ang shares sa Oktubre 20 sa ilalim ng ticker na “GCASH.”
P6.60 ang presyo, ngunit ang mas mahalagang puhunan ng retail investor ay hindi lang pera—kundi kaalaman bago magdesisyon.
—
Para sa komento: [email protected]
- Latest




















