EDITORYAL — Taas pasahe sa jeepney
SIMULA kahapon (Setyembre 28), nagtaas na ng pamasahe sa jeepney, bus, TNVS, P2P at iba pang public transport.
Sa traditional jeepney, mula sa dating P13 ay naging P14 na ang minimum fare, habang sa modern jeepney ay naging 17 mula sa dating P15.
Masakit ito sa commuters. Pero hindi rin maikakaila ang bigat na pasan ng mga driver at operator. Sabi ng mga jeepney driver, wala na raw silang naiuuwing kita para sa pamilya dahil napunta lang sa diesel.
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at operation costs. Ayon sa ilang bus groups, umaabot sa 45 hanggang 60 porsiyento ng kanilang gastos ang fuel.
Kaya kahit may fare hike, may transport groups pa ring nagsasabing kulang ito at itinuloy pa rin ang kanilang strike. Kahapon, ilang grupo ng transport groups ang nagsagawa ng tigil-pasada. Maraming pasahero ang naapektuhan sa isinagawang transport strike.
Kapag tumaas ang diesel, humihingi ng dagdag-pasahe ang driver para hindi malugi.
Kapag inaprubahan naman ang fare hike, commuter ang kailangang maglabas ng dagdag na pera.
Parehong naghahanapbuhay, parehong may binabayarang pagkain, kuryente at iba pang pang-araw-araw na gastusin.
Sinabi ng Malacañang na sinusubukang balansehin ng fare adjustment ang pangangailangan ng transport workers at kakayahan ng commuters na magbayad. Patuloy din umano ang fuel subsidy at iba pang ayuda.
Pero hanggang kailan mapapaikut-ikot at magpapaulit-ulit sa ganitong problema?
Tataas ang langis, magbibigay ng subsidy, hihingi ng fare hike, tataas ang pamasahe, at pagkatapos ay maghihintay na naman sa susunod na oil price shock.
Matatawag lang na “band-aid solution,” ang ganito dahil hindi nito tinutugunan ang mas malalaking problema sa kita, trabaho at public transport system.
Pero hindi ibig sabihin nito na walang dahilan ang fare adjustment. Ang punto: hindi dapat dito nagtatapos ang solusyon.
Kung gusto talagang protektahan ng gobyerno ang mga commuter at driver, kailangan ng mas pangmatagalang paraan upang mabawasan ang epekto ng pabagu-bagong presyo ng langis at operating costs.
Dahil sa huli, hindi driver at pasahero ang magkalaban. Pareho silang nagbabayad sa problema ng isang sistemang paulit-ulit na umaasa sa dagdag-pasahe bilang sagot.
- Latest















