PROJECT K.R.I.S. ng QCPD vs krimen
Hindi na bago sa Quezon City Police District (QCPD) ang bagong district director nito na si PBGen. Christopher Olazo dahil humawak na rin ito ng puwesto sa QCPD bago na-assign sa iba’t ibang probinsya at muling bumalik sa QC.
Alam niyang pamunuan ang QCPD at humawak ng mga tao dahil siya mismo ay hands on sa mga police operation. Sabi nga ni Olazo, hindi siya pumipirmi sa opisina dahil mas gusto niyang nakikita ang sitwasyon sa lansangan at upang matiyak na ligtas ang QCitizen 24/7.
Sa PROJECT K.R.I.S. (Kabalikat, Report, Intervene, Samahan) ng QCPD, nais nitong maging katuwang din ang media para sa mas madaling malutas ang krimen sa lungsod.
Ipinaliwanag ni Olazo na sa Kabalikat kailangan ang pagtutulungan ng pulis, komunidad at iba pang sector; Report, hindi dapat na magdalawang-isip ang sinuman na isumbong sa QCPD ang mga krimen at reklamo habang sa Intervene papasok ang pulis at iimbestigahan ang krimen, at Samahan na pananatili ng maayos na komunidad.
Para kay Olazo, kailangan na panatag ang loob ng mga QCitizen sa lahat ng oras at hayaang bantayan sila ng mga kapulisan.
Nakakatuwa ang opisyal na tulad ni Olazo dahil hindi lamang laki ng pangangatawan nito ang makikita ng QCitizens kundi ang malaking puso nito sa pagmamalasakit at pagmamahal sa kaligtasan ng publiko.
Kaya naman may direktiba si Olazo sa kanyang mga station commanders na maglibot, magmasid at tutukan ang kanilang mga nasasakupan upang maiwasan ang anumang krimen.
Naniniwala si Olazo na pinakamabisang paraan pa rin ang police visibility. Habang tulog ang QCitizen binabantayan naman sila ng kapulisan at hanggang sa kanilang paggising at pagpasok sa paaralan at trabaho sigurado ang kaligtasan.
Kaya sa Meet and Greet ng QCPD sa mga miyembro ng QCPD Press Corps na ginanap sa Kampo Karingal kahapon, panatag din ang mga mamahayag na ibabahagi ni Olazo ang mga impormasyon at balita na kailangan ng media.
Umasa ka Sir, na katuwang niyo ang mga mamamahayag sa pagbabalita ng tama at totoo.
- Latest















