Flying Titans, Chargers unahang bumangon
MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang Choco Mucho at Akari na makabangon mula sa kani-kanilang kabiguan sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang Flying Titans at Chargers ngayong alas-6 ng gabi, habang sa ala-1 ng hapon maglalaban ang Nxled Chameleons at Capital1 Solar Spikers.
Solo ng Nxled ang liderato tangan ang 4-0 kartada sa itaas ng Creamline (4-1), Choco Mucho (3-2), PLDT (3-2), Farm Fresh (3-2), Akari (2-3), Capital1 Solar Energy (2-3), Galeries Tower (1-4) at ZUS Coffee (0-5).
Parehong nanggaling sa kabiguan ang Flying Titans at Chargers sa Chameleons at Highrisers, ayon sa pagkakasunod.
Binuksan ng Choco Mucho ang kanilang kampanya sa five-set win sa Capital1 at sa straight-sets sweep sa ZUS Coffee bago natalo sa Farm Fresh.
Bumangon naman ang Akari mula sa kabiguan sa Creamline at Capital1 bago talunin ang PLDT at Farm Fresh.
Muling aasahan ng Flying Titans sina Eya Laure, Sisi Rondina-Rosales, Maddie Madayag, Caitlyn Viray, Kat Tolentino, setter Alina Bicar at libero Dawin Catindig.
Sina Ivy Lacsina, Eli Soyud at Fifi Sharma ang isasalang ng Chargers kasama sina Faith Nisperos, Ced Domingo, Grethcel Soltones, Chenie Tagaod, setter Mars Alba at libero Justine Jazareno.
- Latest





















