Yaya, 3-anyos patay sa sunog sa Malabon

MANILA, Philippines — Patay ang isang kasambahay at alaga nitong 3-anyos na bata habang isa pa ang naiulat na sugatan makaraang ma-trap sa sunog na sumiklab sa kanilang bahay bago maghatinggabi sa Brgy. Tinajeros, Malabon City.
Kinilala ang mga biktimang si alyas “Juvy”, 30; 3-anyos na batang babae at 6-anyos na batang babae na nagtamo ng 3rd degree burn at ginagamot sa ospital.
Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nangyari ang sunog bandang alas-11:51 ng gabi nitong Lunes sa Sociego St., Brgy. Tinajeros, Malabon City.
Ayon sa ilang kapitbahay ng mga biktima, naka-amoy sila ng makapal na usok hanggang sa makita ang nasusunog na bahay ng mga biktima.
Unang nailigtas ang 6-anyos na biktima na nakuha sa ikalawang palapag ng bahay habang patuloy naman ang paglakas ng apoy.
Matapos maapula ang sunog, nakitang yakap ng yaya ang kanyang 3-anyos na alaga. Pinaniniwalaang namatay ang mag-yaya sa suffocation.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa naganap na sunog.
Naapula ang sunog dakong alas-12:38 ng madaling araw.
- Latest























