Kapitan ng barko hina-hunting!

Nagtago matapos makaligtas sa sunog
MANILA, Philippines — Kabilang sa patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang kapitan ng MV June Aster na pinaniniwalaang buhay at hindi kabilang sa naitalang 43 survivor, upang maimbestigahan sa trahedya sa karagatan ng Coron sa Palawan nitong Miyerkules na nag-iwan na ng 35 patay, at 54 pa ang nawawala, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa isang press briefing ng PCG office sa Maynila kahapon, sinabi ni Coast Guard spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na hanggang alas-8:00 ng umaga ng Sabado (Sept. 12) ay nasa 43 na ang nasa listahan ng nakaligtas kabilang ang dalawang Chilean national, at hindi kabilang dito si Captain Roel Sarmiento.
Una namang nagbigay ng impormasyon ang kinatawan ng Atienza Interisland Ferries, ang may-ari at operator ng MV June Aster, na nakaligtas ang kapitan habang nasusunog ang barko at pumunta kasama ang ilang tripulante sa isang covered court sa Brgy. Turda, Coron.
Ayon pa kay Cayabyab, malaki ang responsibilidad at pananagutan ng kapitan na hinihinalang nagtatago na kaya patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa Atienza Interisland Ferries upang siya ay mahanap.
Mahalaga aniya, ang magiging salaysay ni Sarmiento para ma-establish ang mga pangyayari at kung anong naging aksyon nito na ibinigay sa mga pasahero at tripulante.
Ayon sa PCG, umalis ang MV June Aster sa Port of Baseco sa Maynila alas-8:13 ng gabi noong Setyembre 8 patungong Port of Coron, kung saan inaasahan itong darating alas-6:00 ng gabi kinabukasan (Sept. 9) subalit nang malapit nang dumaong o nasa 21 nautical miles ay nagkaroon ng sunog. Isang pagsabog umano ang narinig sa cargo deck ng barko bago ang sunog.
Ang 53-metrong MV June Aster, na ginawa noong 2002, ay may kapasidad na 306 pasahero. Ang sertipiko nito bilang pampasaherong barko ay nagpapahintulot ng kabuuang kapasidad na 333, kabilang ang 27 tripulante at ancillary personnel.
- Latest






















