Bomber plane ng China, namataan malapit sa Luzon
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na na-monitor nito ang isang Chinese H-6 strategic bomber na lumilipad sa West Philippine Sea malapit sa baybayin ng Luzon.
Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nasa 170 nautical miles mula sa Metro Manila ang nasabing bomber aircraft, isa sa pinakamalapit na naitalang paglapit nito sa teritoryo ng Pilipinas.
Sinabi ni Trinidad na ipinakikita lamang nito ang mas pinalawak na operasyon at presensya ng People’s Liberation Army (PLA) sa rehiyon, kumpara sa mga nakaraang patrol na karaniwang mas malapit sa mainland China.
Gayunman, nilinaw ng AFP na walang indikasyon na ang naturang paglipad ay bahagi ng pagsasanay para sa military strike. Aniya, katulad lamang ito ng mga naunang patrol mission ng mga bomber ng PLA Air Force sa paligid ng Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Binigyang-diin din ni Trinidad na bunga ng modernisasyon ng AFP ay kaya na nitong matukoy at mamonitor ang mga dayuhang sasakyang panghimpapawid bago pa man makalapit sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
- Latest




















