9.8 milyong pamilyang Pinoy nagsabing mahirap sila

MANILA, Philippines — Tinatayang 9.8 milyong pamilyang Pilipino o 37% ng mga respondent ang nagsabing mahirap sila sa ikatlong quarter ng 2026, ayon sa pinakahuling survey ng OCTA Research.
Ayon sa OCTA, hindi ito gaanong nagbago kumpara sa 39% o tinatayang 10.3 milyong pamilya noong ikalawang quarter dahil pasok pa rin ito sa margin of error ng survey. Samantala, 42% ang hindi matiyak kung mahirap sila o hindi, habang 21% ang nagsabing hindi sila mahirap.
Pinakamataas ang self-rated poverty sa Mindanao sa 56%, sinundan ng Visayas na may 49%, Balance Luzon na may 26%, at National Capital Region (NCR) na may 20%.
Ipinakita rin ng survey na 22% o humigit-kumulang 5.8 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger o kawalan ng makain kahit minsan sa nakalipas na tatlong buwan. Hindi rin ito gaanong nagbago mula sa 21% na naitala noong ikalawang quarter.
Samantala, 27% o tinatayang 7.1 milyong pamilya ang nagsabing sila ay food-poor, halos kapareho ng 28% noong nakaraang quarter. Pinakamataas din ang self-rated food poverty sa Mindanao sa 54%, kasunod ang Visayas sa 35%, Balance Luzon sa 16%, at NCR sa 10%.
Isinagawa ang Tugon ng Masa survey mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 nasa hustong gulang na respondent.
- Latest















