SC ruling sa ICC arrest ni Duterte iaapela

MANILA, Philippines — Maghahain ng mosyon para muling ikonsidera ang desisyon ng Korte Suprema ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ibasura ng kataas-taasang hukuman ang mga petisyong habeas corpus na inihain ng kanyang mga anak kaugnay ng kanyang pag-aresto at paglipat sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo, abogado ng anak ni Duterte na si Veronica, nadismaya sila sa naging pasya ng Korte Suprema kaya magsasampa sila ng apela.
“Yesterday we received, with deep disappointment, the Supreme Court’s ruling dismissing the petitions for habeas corpus as moot, and declining to pass upon the legality of former President Rodrigo Duterte’s rendition to The Hague,” pahayag ni Panelo.
Sinabi ni Panelo na mali umanong ituring na moot ang mga petisyon dahil nasa kustodiya na ng ICC sa The Hague, Netherlands ang dating pangulo. Aniya, tila nawawalan ng saysay ang writ of habeas corpus kung mailalabas agad ng bansa ang isang detainee bago makapagpasya ang mga hukuman.
Kasabay nito, mariing binatikos ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ng Korte Suprema. Giit niya, walang dayuhang hukuman o bansa ang dapat mangibabaw sa soberanya ng Pilipinas at hindi basta dapat ibinasura ang petisyon dahil ang usapin ay may kinalaman umano sa pambansang soberanya, pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon at karapatan ng mga Pilipino.
Matatandaang kasalukuyang nakadetine si Duterte sa The Hague habang hinaharap ang kasong crimes against humanity na isinampa sa ICC kaugnay ng madugong kampanya kontra ilegal na droga ng kanyang administrasyon.
- Latest

















