Tres Queridas (29)
PADABOG na isinara ni Celeste ang pinto ng SUV. Halos mabingi sina Diana at Lani sa lakas ng pagsara. Nanginginig ang mga kamay ni Celeste na nakakapit sa sandalan ng upuan, ang kanyang dibdib ay mabilis na umaangat-baba dahil hiningal sa pagtakbo at sa matinding galit.
“Nakatakas ang walanghiya,” gigil na sabi ni Celeste. Unti-unti siyang lumingon sa likurang upuan kung saan nakayuko si Lani, mahigpit na yakap ang duffel bag. Kitang-kita sa mata ni Celeste ang pagpupuyos nito sa galit. “Ngayon, mag-uusap tayo.”
Napaurong si Lani, pilit na isinisiksik ang sarili sa sulok ng sasakyan.
“Celeste, baka ma-stress siya, buntis ‘yung tao,” subok na pang-aawat ni Diana.
“Hindi ko siya sasaktan, Diana. Pero kailangan na niyang magising!” Tinitigan nang matalim ni Celeste ang buntis na si Lani.
“Lani, ginamit ka lang niya bilang pain. Dinala ka niya rito para abangan kami, para maipamukha niya sa amin na kontrolado niya ang sitwasyon. Wala siyang planong isama ka sa pagtakas niya. Ngayon, sabihin mo sa akin... saan ba talaga kayo papunta?!”
Humagulgol si Lani, pilit na itinatago ang mukha sa kanyang mga palad. “Hindi ko po alam... ang sabi niya lang magkita kami rito.”
“Sinungaling!” sigaw ni Celeste. “Hindi ka mag-eempake nang ganyan karami kung wala siyang ibinigay na destinasyon! Anong probinsiya? Anong bayan? Magsalita ka!”
Lumipat si Diana sa tabi ni Lani at dahan-dahang hinawakan ang nanginginig na mga kamay nito. Ibinaba niya ang boses, puno ng pag-unawa ngunit may halong pakiusap.
“Lani, tingnan mo ako. Alam kong mahal mo siya. Pero pare-pareho lang tayong niloko. Kung gusto mong maging ligtas ang baby diyan sa tiyan mo, kailangan mong sabihin sa amin kung saan nagtatago ang asawa natin.”
Tumingala si Lani, basang-basa ng luha ang mukha. Napalunok siya bago nanginginig na nagsalita.
“Balak sana naming magtago sa probinsya namin… sa Isla Balod.”
(Itutuloy)
- Latest















