Dinidiskartehan ng Boss
Dear Dr. Love,
Isang maluwalhating araw sa paborito kong love adviser.
Itago mo na lang ako sa pangalang Casandra. Sumulat ako para ihingi ng payo ang problemang gumugulo sa aking isip. Nagtatrabaho ako bilang executive secretary sa isang kilalang kompanya at may masayang pamilya.
Problema ko ang aking boss, nagkakagusto siya sa akin at ayaw niya akong tantanan sa kanyang mga patutsada. Naiilang ako sa mga ginagawa niya.
Kaya minsang diniretsa ko siya na tigilan ako dahil hindi ako papayag na may magtangkang sirain ang aming pamilya. Pero sige pa rin siya, ano kaya ang gagawin ko para tumigil na siya?
Casandra
Dear Casandra,
Gaano ka man katatag sa iyong prinsipyo ay lantad ka pa rin sa tuksong nag-aabang lang sa iyo. Hindi natin masasabi ang pagkakataon kung saan maaaring tuluyan mag-take advantage ang boss mo.
Kaya gaano man kahalaga sa iyo ang pagtatrabaho sa kilalang kompanya na ‘yan, mag-resign ka. Kung nakapasok ka sa magandang kompanya, hindi malabong magawa mo rin uli ito sa ibang kompanya na may magandang kita.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending
















