Biyudo na may bagong pag-ibig
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang akong Marco, 38, isa po akong biyudo. Tatlong taon na mula nang pumanaw sa sakit na kanser ang asawa kong si Clarisse. Matagal akong nagluksa at ikinulong ang sarili sa nakaraan dahil pakiramdam ko’y kataksilan ang lumimot.
Pero nitong mga nakaraang buwan, nakilala ko si Elena at muling nabuhay ang sigla ko. Masaya ako sa kanya, pero nilalamon ako ng guilt. Pinipilit kong burahin ang alaala ni Clarisse para hindi raw maging sagabal o magmukhang panakip-butas si Elena—pero mas lalo lang akong nasasaktan at naguguluhan.
Tama bang pilitin kong kalimutan ang yumaong asawa ko? Paano ako magmamahal muli nang may respeto sa nakaraan?
Marco
Dear Marco,
Nakikiramay ako kay Clarisse at natutuwa akong muling tumitibok ang puso mo. Normal ang guilt, pero ang pagmamahal ay hindi parang baso na kailangang itapon ang laman bago lagyan ng bago. May sapat na espasyo sa puso para sa magagandang alaala at sa bagong simula.
Hindi mo mabubura si Clarisse dahil bahagi na siya ng kung sino ka ngayon. Mahagang maintindihan mo na ang pag-alala nang may pasasalamat ay hindi kataksilan kay Elena; patunay iyan na marunong kang magmahal nang tapat.
Ingatan mo ang alaala, pero huwag kang makulong dito. Bigyan mo ng mapayapang lugar si Clarisse sa puso mo para may malayang espasyo si Elena sa kasalukuyan mo.
Magpakatotoo ka at huwag magmadali. Kilalanin ninyo nang husto ang isa’t isa para maging malinaw na hindi siya panakip-butas, kundi bagong kabanata.
Patawarin mo ang iyong sarili. Ang pagiging masayang muli ay tanda ng paghilom, hindi kawalan ng pagmamahal.
DR. LOVE
- Latest
















