Ex-DPWH Sec.Bonoan laya na

MANILA, Philippines — Pinalaya na ng Philippine National Police (PNP) si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan kahapon kasunod ng kautusan ng Sandiganbayan Fifth Division.
Bandang alas-10:35 ng umaga nang i-turnover ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG) si Bonoan sa kanyang pamilya bago siya umalis sa PNP General Hospital sa Camp Crame. Hindi na nagpaunlak ng panayam si Bonoan. Nasa hospital arrest si Bonoan mula nang sumuko siya noong Hunyo dahil sa ilang karamdaman.
Nabatid na Martes nang aprubahan ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ng mga state prosecutor na alisin si Bonoan sa graft at plunder charges na kinakaharap niya kasama sina Sen. Jinggoy Estrada at tatlong dating DPWH district engineers. Nais ng state prosecutor na gawing state witness si Bonoan sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa botong 2-1, pinagtibay ng Sandiganbayan ang “prosecutorial discretion” ng Ombudsman na nagdedetermina na si Bonoan ay magagamit bilang isang state witness sa kaso.
Ayon kay CIDG-NCR chief Col. John Guiagui, natanggap nila sa email dakong alas-5 ng hapon nitong Huwebes ang kautusan ng Sandiganbayan kaya Biyernes na ng umaga nila naproseso.
Tiniyak ng CIDG na nasa maayos na kondisyon si Bonoan bago siya tuluyang pinalaya. Hindi na rin siya kinailangang ihatid palabas ng ospital ng CIDG.
Sina Estrada, dating South Manila District Engineering Office chief Manny Bulusan, dating Quezon City 1st District Engineering Office chief Arturo Gonzales Jr., at dating North Manila DEO assistant chief Denryl Caesar Cortuna ay inaakusahan ng umano’y pagkuha ng P573.75 milyon na kickback mula sa mga proyektong isinama sa 2025 national budget.
- Latest

















